Monsour

Monsour, inendorso ng 1Sambayan

Ian F Fariñas Apr 12, 2022
272 Views

Inihain ng 1Sambayan ang alternatibong listahan kung saan pinagsama-sama nito ang 11 senatorial aspirants na bagamat nagmula sa iba’t ibang katayuan sa buhay ay may iisang hangarin na pagkaisahin ang bansa.

Kasama sa nasabing senatorial slate ang dating action star na si Monsour del Rosario.

Isang magiting na kakampi at tagapagtanggol ng ordinaryong Pilipino, si Monsour ay nagsilbi sa publiko sa loob ng anim na taon bilang konsehal at tatlong taon bilang kongresista ng 1st District ng Makati City.

Kilala bilang “Ama ng Work From Home Law” at may-akda o sponsor ng mahigit 292 panukalang batas sa Kongreso, layunin ni Monsour na ipagpatuloy ang mabuting gawain sa Senado upang matulungan ang mga health frontliner ng bansa, mga atleta, mga batang may iba’t ibang kakayahan sa pag-aaral, magsasaka at mangingisda, at iba pang marginalized na sektor ng lipunan.

Noong Biyernes, Abril 8, pormal nang inendorso ng 1Sambayan si Monsour bilang kaalyado ng Gobyernong Tapat.

“Dapat tayo ay magsama-sama at magkaisa para sa ating kinabukasan. Sa darating na eleskyon, ’wag po natin kalilimutan na meron din po tayong 12 na senador. We have to choose wisely sa mga senador na bibigyan natin ng six years.

“We have to be discerning. Binibigyan po kayo ng 1Sambayan ng magandang alternatibo at kasama po rito pang-11 sa aming listahan, isang taong tunay na nagtatrabaho at nagse-serbisyo sa tao, si Monsour del Rosario,” sabi ni 1Sambayan convenor Atty. Howard Calleja.

Para naman kay Monsour, ang kanyang napipintong pag-upo sa Senado ay hindi lamang tagumpay para sa sarili at sa hangarin ng 1Sambayan na maghatid ng gobyernong tapat, kundi tagumpay para sa kinabukasan ng maraming Pilipino.

“When I was competing in taekwondo years ago, I was very proud to bear the flag of our country. That still means the same to me today,” sabi niya.

“Just as I fought for the country in sports, I will be as fervent and dedicated in this fight for a seat in the Senate not for myself, but for the future of our countrymen.”