Robin

MPAA para sa WPS resupply mission isinusulong ni Robin

172 Views

PARA hindi na maulit ang tensyon dulot ng mga insidente sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea, isinulong ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang pagkuha ng Multi-Purpose Amphibian Aircraft (MPAA) para sa Philippine Navy.

Sa kanyang talumpati sa sesyon ng Senado, malaki rin ang maitutulong ng MPAA sa ibang misyon kasama ang Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR), Search and Rescue (SAR) sa karagatan, at surveillance.

“Makakatulong po ang MPAA sa mas mabilis na pagsasagawa ng supply mission na hindi na mangangailangan pa ng escort at hindi mabibinbin sakaling may mga humarang sa ating mga watercrafts,” aniya.

Ang amphibian aircraft ay sasakyang panghimpapawid na kayang mag-take off at lumapag sa lupa at tubig.

Ipinunto ni Padilla na habang aabutin ng isa’t kalahating araw ang resupply mission patungong BRP Sierra Madre, kaya ng MPAA na gawin ito sa loob ng lima hanggang walong oras.

“Malaki po ang magiging tulong ng aircraft na ito sa pagpapatrolya hindi lamang sa Dagat Kanluran ng Pilipinas, kundi pati na rin sa iba’t-ibang isla ng ating bansa. Ito po ay magiging mabisa rin sa pagsuporta sa Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR), Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA), Search and Rescue (SAR) sa karagatan, Maritime Air Surveillance (MAS), Intelligence Surveillance and Reconnaissance (ISR), at iba pang katulad na misyon,” aniya.

Dagdag pa ni Padilla, patuloy ang pagbabago sa lebel ng ating mga pangangailangan sa depensa bunsod ng mga umuusbong na makabagong hamon sa seguridad na ating hinaharap.

“Dahilan po sa ganap na pangangailangang ito, hinihiling po natin na mabigyan ng prayoridad ang pagbili ng MPAA para sa ating Philippine Navy,” aniya.