Faustino

Mungkahi ni Dy ipagpaliban BSKE

Mar Rodriguez Sep 15, 2022
321 Views

NANININDIGAN ang isang Northern Luzon congressman na dapat lamang na ipagpaliban na muna ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) upang matutukan ng husto ng pamahalaan ang pagtugon nito sa problema ng COVID-19 pandemic.

Dahil nananatiling nagkukumahog ang mamamayang Pilipino para makabangon mula sa problemang idinulot ng COVId-19 pandemic, nakikiisa si Isabela 6th Dis. Cong. Faustino “Inno” Dy V sa layunin ng Kamara de Representantes at ng Senado para maipag-paliban ang nakatakdang BSKE sa Disyembre.

Ipinaliwanag ni Dy na ang pagpapaliban sa BSKE ay para makapag-focus ng husto ang gobyerno sa ginagawa nitong mga hakbang at solusyon para wakasan ang suluranin ng pandemiya na nagpagupo sa kabuhayan ng nakararaming Pilipino.

Sinabi ni Dy, dating Presidente ng Liga ng mga Barangay, na naghain din siya ng panukalang batas sa pamaagitan ng House Bill No. 1138 na naglalayong iusog sa Oktubre 23, 2023 ang naka-skedyul na BSKE mula sa orihinal na petsa nito na Disyembre 5.

“Section 3 of the Bill states that until the successors have been duly elected and qualified, all incumbent Barangay officials shall remain in office, unless sooner removed or suspended for cause,” ayon kay Dy.

Binigyang diin pa ng kongresista na hangga’t hindi idinedeklara ng World Health Organization (WHO) na tapos na ang pandemiya o ligtas na sa COVID-19 virus ang Pilipinas, hindi maaaring maging kampante aniya ang mga Pilipino dahil hanggang sa kasalukuyan ay nananatili parin “prone” sa corona virus ang sinomang mamamayan.