Teofimar Renacimiiento

Nabobobo na talaga si Pacquiao

205 Views

MUKHANG nagkatotoo na ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte nuong patapos na ang taong 2021. Ayon sa pangulo, sa sobrang dami na ng mga suntok na tinanggap ni Pacquiao sa ulo, hindi na matino mag-isip ang talunang boksingero. Baldado na ang utak ni Pacquiao dahil sa mga dekadang ginugol niya sa boksing.

Unti-unti nang nasisimot ang kakaunting sustansiya ng utak ni Pacquiao, simula pa nung naging boksingero ito. Halatang-halata na ito nung kongresista at senador na siya. Walang ni isang matinong batas o panukala man lang na naitaguyod si Pacquiao.

Bakit?

Palaging kasing “absent” ang pambansang kamao sa Kongreso, dahil madalas siyang nasa “abroad” upang maghanda at magsanay para sa kanyang mga laban sa boksing.

Hindi na nga nagtratrabaho sa Kongreso, tapos sumasahod pa siya. Ito ay isang uri ng katiwaliaan. Tapos, eto si Pacquiao, sinasabi niya na galit siya sa katiwaliaan.

Ngayong tumatakbo si Pacquiao sa pagkapangulo ng bansa, lantaran na ang epekto ng boksing sa kanyang utak at pag-iisip. Makikita ito sa mga walang kabuluhang sinasabi at pinapangako ni Pacquiao sa kanyang pagkampanya.

Maraming reklamo si Pacquiao tungkol sa mga barko ng Tsina sa sumasakop sa West Philippine Sea na teritoryo ng Pilipinas. Wala naman siyang mabuting maimungkahi upang malunasan ang bagay na ito. Hindi niya kasi nauunawaan ang batas na umiiral sa larangan ng mga iba-ibang bansa o ang tinatawag na “international law.”

Mukhang nais pa nga ni Pacquiao makipagdigmaan ang Pilipinas sa Tsina. Kaya lang, wala naman siyang masabing matino kung papano kalabanin ng Pilipinas ang malakas na pwersa ng militar ng Tsina. Puro ngiyawyaw lang si Pacquiao.

Pinapangako ni Pacquiao na magkakaroon ng bahay ang lahat ng Pilipino sakaling siya ang maging pangulo. Talaga ha? Saan naman kukunin ni Pacquiao ang salapi para diyan? Hirap na nga ang Pilipinas sa paghanap ng salapi para sa pangangailangan sa kalusugan ng bawat Pilipino sa pandemyang nagsimula sa COVID-19, tapos eto si Pacquiao, nangangako ng imposibleng mangyari.

Ang iba pang pangako ni Pacquiao ay likas na kalokohan. Sa bawat pangako ni Pacquiao, pinapatunayan niya na hindi niya nauunawaan ang pagpapatakbo ng pamahalaan sa ilalim ng saligang batas o ang 1987 Constitution.

Halimbawa, kahit langit pa ang ipangako ni Pacquiao kung sakaling siya ang pangulo, walang mangyayari sa kanyang pangako kapag walang pondong papayagan ang Kongreso. Kapag kampanya, madaling magpangako. Yung pagtupad ng pangako ang mahirap. Puro mainit na hangin lang si Pacquiao.

Hindi lang iyon.

Sa ilalim ng saligang batas, bawal ang pagtataguyod at pagpapalaganap ng mga tinatawag na “political dynasty” o mga pamilyang hinahanap-buhay ang pulitika sa pamamagitan ng paghawak ng kapangyarihan sa pamahalaan.

Si Pacquiao mismo, nagtatag ng kanyang sariling “Pacquiao political dynasty.” Marami siyang kapamilya at mga kamag-anak na kasalukuang nakaupo sa iba-ibang pwesto sa pamahalaan.

Nang binatikos sa debate sa TV si Pacquiao tungkol sa kanyang “Pacquiao political dynasty,” agad niyang ipinagtanggol ang mga kapamilya at kamag-anak.

Ayon kay Pacquiao, wala daw silang “political dynasty” sapagkat hinalal daw ang kanyang mga kapamilya at kamag-anak na kasalukuyang nasa pamahalaan. Sabi ni Pacquiao, mayroong “political dynasty” kapag ang mga kapamilya at kamag-anak ay na-“appoint,” at hindi nahalal sa pwesto

Samakatuwid, pinagpipilitan ni Pacquiao na walang “Pacquiao political dynasty” kahit marami siyang kapamilya at kamag-anak na nasa pwesto sa pamahalaan.

Binuking ng isang kandidato sa pagkapangulo ang maling pagkaunawa ni Pacquiao sa saligang batas uko sa “political dynasty.” Napahiya si Pacquiao nang sinabihan siya na walang basehan sa saligang batas ang kanyang pagpapalusot at pagtanggol sa kanyang “Pacquiao political dynasty.”

Kita niyo na? Senador pa lang si Pacquiao, mayroong political dynasty na siya. Imbis na sumunod siya sa batas at lansagin niya ang political dynasty ng kanyang pamilya, ipinagtatanggol pa ni Pacquiao ang kanyang anomaliya. Papano na kaya ang hanggan ng pag-aabuso sa kapangyarihan ni Pacquiao sakaling siya ay maging pangulo?

Alam ba ni Pacquiao kung paano lipulin ang mga drug lord sa Pilipinas? Wala siyang masabi.

Papano ang mga komunista na salot sa lipunan? Walang masabing matino si Pacquiao tungkol dito.

Pati sa larangan ng kasal, pinapakialam din ni Pacquiao.

Laban daw si Pacquiao sa paghihiwalay ng mga mag-asawa dahil bawal ito sa Bibliya. Ha? Bakit Bibliya? Mukhang hindi ata nabasa ni Pacquiao sa saligang batas na hindi dapat maghalo ang pamahalaan ng bansa at ang mga alituntunin sa Bibliya.

Bukod sa batas, marami pang hindi alam si Pacquiao. Isa na dito ang kanyang palpak na Ingles. Sa nais o hindi ng kahit na sino man, ang Pangulo ng Pilipinas ay dapat marunong magsalita ng diretso sa wikang Ingles sapagkat ito ang wika na ginagamit ng halos lahat ng bansa sa daigdig. Kahiya-hiya naman ang Pilipinas kapag pinagtatawanan ang ating bansa tuwing magsasalita ang ating pangulo. Hindi dapat natin payagang mangyari ito.

Huwag na natin isugal ang kinabukasan ng Pilipinas sa mga tulad ni Pacquiao na ang tanging layunin sa pamahalaan ay magpasarap sa kapangyarihan, sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng political dynasty ng kanyang kapamilya at kamag-anak.

Mahalin natin ang Pilipinas. Huwag natin iboto si Pacquiao, alang-alang sa kinabukasan at kabutihan ng sambayanang Pilipino. ■ WAKAS