Suspek

Nag hide-and-seek ng 20 taon dahil sa murder, timbog

Edd Reyes Jan 7, 2025
11 Views

NAGWAKAS ang 20-taong pagtatago ng lalaki na suspek sa kasong murder nang matimbog noong Lunes sa Valenzuela City.

Natiklo ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang akusado sa pagpatay sa Samar na si alyas Nardo, 57, sa 78 MacArthur Hi-way, Brgy. Dalandanan dakong alas-4:30 ng hapon.

Sinabi ni Col. Cayaban na humingi sa kanila ng tulong ang mga tauhan ng Northern Samar Police Provincial Office matapos makatanggap ng impormasyon na sa Valenzuela City nagtatago ang suspek.

Pinakilos ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section hanggang sa matukoy ang pagkakakilanlan sa akusado at tuluyang matunton sa Brgy. Dalandanan.

Hindi pumalag si alyas Nardo nang isilbi ang warrant of arrest na inilabas ni Laoang, Northern Samar Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Ugenio Dela Cruz ng Branch 2 para sa kasong murder laban sa suspek.