Posas

Nag-iingat ng ilegal na armas tiklo sa bahay

Edd Reyes Oct 15, 2024
36 Views

NATIKLO ng mga pulis sa loob ng bahay niya ang 57-anyos na lalaking may mga iniingatang ilegal na armas noong Lunes sa Taguig City.

Sa tulong ng isang testigo na may kaalaman sa pag-iingat ng armas ng suspek na si alyas Rico, nakapag-apply ng search warrant ang mga tauhan ni Taguig police chief P/Col. Christopher Olazo na kinatigan ni Taguig City Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Byron San Pedro ng Branch 15.

Sinabi ni Olazo na nahuli ang suspek bandang alas-9:46 ng gabi nang salakayin sa bisa ng search warrant ng mga tauhan ng Taguig Police Sub-Station 2 ang bahay niya sa Brgy. Western Bicutan.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang kalibre .45 pistol, siyam na bala, tatlong magazine at isang laruang kalibre .45.

Ang pagkakadakip sa suspek bahagi ng kampanya laban sa loose firearms na isa sa mga paraan upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa bawa’t komunidad.

Kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Act) ang isasampa ng pulisya sa Taguig City Prosecutor’s Office laban sa suspek.