Suspek

Nagmalupit sa menor-de-edad, nalambat

Edd Reyes Jun 3, 2025
68 Views

TIKLO ang 23-anyos na wanted sa paulit-ulit na pagmamalupit sa menor-de-edad na biktima ng matunton ng mga pulis sa Valenzuela City noong Lunes.

Hindi na nakapalag ang suspek na si alyas Roger nang masukol ng mga tauhan ni Valenzuela acting police chief P/Col. Relly Arnedo sa Brgy. Marulas dakong alas-6:15 ng gabi.

Isinilbi ng mga pulis ang warrant of arrest na inilabas ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Evangeline Mendoza-Francisco ng Branch 270 kay alyas Roger para sa mga kasong tatlong bilang na pagmamalupit sa batang biktima sa ilalim ng RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at isang bilang na paglabag sa RA 9262 (Anti Violence Against Women and Their Children Act).

Sa ulat ni Northern Police District Public Information Office (NPD-PIO) head P/Lt. Marcelina Pino, puwedeng lumaya pansamantala ang suspek kapalit ng P243,000 na pyansa.