Kable

Nagpuputol ng kable arestado

Edd Reyes Jun 12, 2025
30 Views

LIMA katao, kabilang ang isang menor-de-edad, ang dinakip ng mga pulis ng maaktuhang nagpuputol ng kawad ng PLDT noong Huwebes sa Caloocan City.

Sa report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, nagpapatrulya ang mga tauhan ng Caloocan City police sa Rizal Avenue dakong alas-4:30 ng umaga ng lapitan ng isang concerned citizen at isinumbong ang ginawang pagnanakaw ng kable ng ilang kalalakihan sa ilalim ng manhole sa Brgy. 71.

Nang puntahan ng mga pulis ang lugar, napansin nila ang nakaparadang van sa tabi ng bukas na manhole na may kargang mga pinutol na malalaking kable na nagkakahalaga ng P198,000.

Nabigo ang mga suspek na magpakita ng dokumento na nagpapatunay na legal ang pagpuputol nila ng kawad kaya’t inaresto sila ng mga pulis.

Kabilang sa mga nadakip sina alyas Emong, 35; Tito, 35; Loloy, 50, Bong at ang 16-anyos na binatilyo.

Sasampahan ng kasong pagnanakaw at paglabag sa RA 10515 ang mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.