Calendar

Nagtatago ng shabu timbog sa parak
SINALAKAY ng mga pulis ang bahay ng lolo noong Biyernes na sangkot umano sa pag-iimbak at paggamit ng ilegal na droga sa Taguig City.
Armado ng search warrant mula kay Taguig City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Gertrude G. Orquiola-Moldez ng Branch 163, pinasok ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) District Director P/BGen. Manuel Abrugena ang bahay ni Anthony, 61, dakong alas-2:30 ng hapon sa Brgy. East Rembo.
Nag-apply ng search warrant sina Taguig Police Chief P/Col. Joey Goforth sa hukuman matapos patunayan ng kanilang testigo na may iniimbak na ilegal na droga ang suspek na lagpas ang dami para sa sarili niyang paggamit.
Ayon kay BGen. Abrugena, nakumpiska ng kanyang mga tauhan ang 31.6 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P214,880 at iba’t-ibang drug paraphernalia.
Nakapiit ngayon sa custodial facility ng Taguig Police Station ang suspek habang inihahanda ang paghahain ng kasong paglabag sa Sections 11 at 12 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa kanya.