Siga

Nagwawasiwas ng boga ‘pag lasing, arestado

Edd Reyes Apr 22, 2025
17 Views

ARESTADO ang feeling siga na lalaki sa Valenzuela City at nakumpiska ng mga pulis ang baril na laging bitbit nito para makapanakot tuwing malalasing.

Iniutos ni Valenzuela Police chief P/Col Nixon Cayaban na siyasatin kung may katotohanan ang sumbong sa kinaugalian ng suspek na si alyas Jay-ar na palaging nagwawasiwas ng baril sa kanilang lugar sa Brgy. Malinta kapag lasing.

Nang mapatunayang totoo ang sumbong, nag-apply ng search warrant si P/Lt. Michael Dela Cruz, deputy commander ng substation-4, sa sala ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Lilia Mercedes Encarnacion Gepty ng Branch 75.

Alas-10:05 ng umaga ng Lunes nang ipatupad ng mga tauhan ni Col. Cayaban ang search warrant sa bahay ni alyas Jay-ar sa 341 Dulong Tangke St. at nakuha sa ilalim ng mesa sa kanyang silid ang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.

Inaresto ng mga pulis si Jay-ar na ngayo’y nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act) sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.