Pulis

Naka police uniform, may boga pero ‘di parak, arestado

Edd Reyes Mar 7, 2025
23 Views

KULONG ang 24-anyos na lalaki dahil sa pagsusuot ng uniporme ng pulis at may nakasukbit pang baril noong Huwebes sa Valenzuela City.

Naghinala ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban sa ikinikilos ni alyas John Peter habang suot ang pang-itaas na PNP uniform at naglalakad sa Ulingan West St., Brgy. Lawang Bato, dakong alas-9:00 ng gabi.

Nang lapitan at tanungin nina Pat. Pimentel Balibol at P/SSg. Chyrus Jan Bancolo ng Bignay Police Sub-Station-7 ang suspek sa suot na uniporme, walang maipakitang katibayan na pulis nga siya kaya inaresto na ang impostor na parak.

Nang kapkapan, nakumpiska kay alyas John Peter ang paltik na shotgun sa kaliwang baywang na kargado ng 12-gauge na bala.

Haharapin ng suspek ang mga kasong Illegal Use of Uniform and Insignia, paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions at paglabag sa Omnibus Election Code.