Nakapatay tumakbo sa Malaysia, nasakote

Bernard Galang Apr 12, 2025
25 Views

NAARESTO ng mga pulis, katuwang ang Royal Malaysia Police, ang isang tumakas na suspek sa pagpatay sa Pilipinas.

Dumating sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City noong Abril 11 ang suspek na si alias Haydrin, 51, at agad na isinilbi ang warrant of arrest pqra sa kanya ng mga tauhan ng PNP mula sa Police Regional Office 3 (PRO-3).

Pinangunahan ni PRO-3 director Brig. Gen. Jean Fajardo, sa suporta ng Aviation Security Group-NAIA, San Fernando City police at Pampanga police, ang pag-aresto sa suspek.

Nakakulong ang suspek sa Malaysia matapos mahuli noong Marso 22 ng Special Investigation Branch ng Petaling Jaya District Police sa Cobra Rugby Club sa Selangor dahil sa hindi pagpapakita ng valid travel document, isang paglabag sa Section 6(1)(c) ng Malaysia’s Immigration Act.

Ang pasaporte ng Pilipinas ng suspek nakansela na noong Setyembre 12, 2024 sa bisa ng utos ng korte.

Ang pag-aresto sa suspek suportado ni Malaysian Police Commissioner Datuk Ts. Ahmad Ramdzan bin Daud, na pinadali ang pagdakip at turnover ng suspek.

Nakipagtulungan sa Philippine Embassy sa Malaysia ang PNP upang ayusin ang pagpapauwi ng suspek.

Ang suspek iniuugnay sa pagpatay sa kanyang kapatid na presidente at CEO ng United Auctioneers Inc., na binaril sa labas ng Lighthouse Hotel sa SBMA, Olongapo City noong Nobyembre 2018.

“Ang misyong ito sumasalamin sa walang-humpay na effort ng PNP na dalhin ang mga kriminal sa hustisya saanman sila maaaring tumakas,” pahayag ni Fajardo.