Calendar
Nakitang clutch bag sa Laguindingan Airport isinurender ng tauhan ng CAAP
MULING pinatunayan ng isang tauhan ng Civil Aviation Authority of the Philippines Service and Intelligence ang katapatan nang ibalik nya ang natagpuang clutch bag na naiwan sa waiting shed sa Laguindingan Airport.
Agad namang isinurender ng tauhan ng CAAP na si Jonie Naldo ang clutch bag at isinailalim sa K-9 inspection.
Sa karagdagang pagsusuri, napag-alamang naglalaman ito ng pasaporte, identification card, passbook na may pangalang Maruhom Mambuay mula sa Marawi City, at ₱100,000 na cash.
Nananawagan si Area Manager Job de Jesus ng Area Center 10 na kunin ng may-ari ang bag sa CSIS Office ng Laguindingan Airport.
Ang insidenteng ito ay kasunod ng isa pang matagumpay na lost-and-found na kaso noong Disyembre 19 sa Puerto Princesa Airport, kung saan naibalik sa may-ari ang isang nawawalang bagay.
Pinaalalahanan ni CAAP Director General Captain Manuel Antonio L. Tamayo ang lahat ng mga pasahero na panatilihing ligtas ang kanilang mga mahahalagang gamit at i-double check ang kanilang mga gamit bago sumakay.
Lahat ng mga paliparan na pinapatakbo ng CAAP ay nananatiling nasa heightened alert bilang paghahanda sa inaasahang pagtaas ng trapiko ng mga pasahero sa panahon ng kapaskuhan.