Marianito Augustin

Nang mabuwisit si Cong. Bosita sa MMDA

492 Views

NABUWISIT na si 1-RIDER Party List Congressman Bonifacio L. Bosita sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa Memorandum na kasalukuyang ipinapatupad ng MMDA na nagbabawal sa mga motorcycle riders na pansamantalang sumilong sa ilalim ng mga tulay, footbridges, underpass at MRT stations sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan sa Metro Manila.

Nararamdaman ko ang pinaghuhugutan ni Congressman Bosita. Pinagbabawalan nilang sumilong ang mga riders sa ilalim ng mga nasabing lugar dahil delikado daw.

Pero ang hindi yata nakikita ng MMDA ay mas delikado pa kung palargahin nila ang mga MC riders sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan kung saan ay “zero visibility”. Hindi ba’t mas prone sa aksidente kapag ganito ang sitwasyon kumpara duon sa pansamantala silang sisilong sa nasabing lugar?

Mas gugustihin pa ng MMDA na bumiyahe at sagupain ng mga MC riders ang malakas na ulan kaysa hayaan nilang pansamantalang sumilong ang mga ito para maiwasan ang disgrasya.

Kaya sa privilege speech ni Congressman Bosita, tahasang sinabi niya na ang ipinatutupad na Memorandum ng MMDA ay hindi serbisyo kundi perwisyo.

Ang paratang naman ni Congressman CRV sa MMDA. Abuse of discretion

MISTULANG dumadami na ang hindi natutuwa ngayon sa MMDA. Sapagkat maging ang “soft spoken” na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang Chairman ng House Committee on Metro Manila Development ay nagpahayag narin ng pagka-diskuntento sa sistema ng MMDA.

Sinabi ni Congressman Valeriano na inaabuso ng MMDA ang kanilang kapangyarihan dahil mistulang bina-braso nila ang mga “private gasoline stations” na kupkopin ang mga MC riders para sa mga gasolinahan nila pansamantalang sumilong habang nasa kasagsagan ang buhos ng napaka-lakas na ulan.

Ang katuwiran ni Valeriano, ipinaaako ng MMDA ang kanilang responsibilidad sa mga may-ari ng gasolinahan na isang pribadong kompanya. Sa halip na ang MMDA mismo ang gumawa ng paraan para mayroong pansamantalang masilungan ang mga MC riders kumbaga “iwas pusoy” ang MMDA sa kanilang responsibilidad.

Ang matindi pa nito, binigyang diin ni Congressman Valeriano na hindi mura ang babayarang penalty ng mga MC riders sakaling hulihin sila ng mga “mala gestapong” MMDA traffic enforcers habang nagpapatila ng ulan sa iallim ng mga tulay, footbridges at under pass” dahil tumatagingting na P1,000 ang multa.

Masyadong malupit! Hindi na makatao ang ginagawa ng MMDA. Hindi na sila nakakaramdam ng awa para sa mga taong naghahanap buhay at sinusuong ang panganib para lamang buhayin at may makain ang kanilang pamilya. Sana makonsensiya naman ang MMDA. Uulitin natin. KAUNTING PUSO naman po.

Deputy Speaker Duke Frasco puspusan ang pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo publiko sa Cebu City

PUSPUSAN ang pagsisikap ni House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco na makapaghatid ng de-kalidad na serbisyo publiko sa kaniyang lalawigan matapos ang pagpapasinaya sa multi-million covered court project ng kongresista sa Barangay Dungca, Danao City.

Pinangunahan mismo ni Congressman Frasco ang ginanap na pagpapasinaya sa bagong covered court sa nasabing Barangay na ginastusan ng P5 milyon na magagamit din bilang Evacuation Center sa panahon ng kalamidad.

Maraming mamamayan ng Cebu City partikular na ang mga residente ng Barangay Dungca ang nagpa-abot ng taos puso at marubdob na pasasalamat kay Frasco dahil sa inilunsad nitong proyekto na hindi lamang magagamit para sa iba’t-ibang sport events kundi bilang Evacuation Center.

Ipinahayag naman ng Kapitan ng Barangay Dungca ang taos puso at marubdob na pasasalamat nito kay Frasco dahil sa mga proyektong isinagawa ng kongresista na malaki ang maitutulong sa kaniyang Distrito.

Personal naman ibinigay ni Frasco ang kaniyang donasyon para sa pagpapagawa o fabrication ng basketball ring na nagkakahalaga ng P50,000 na gaya ng ginagamit ng mga professional basketball players.