Calendar

Nanghalay, arestado ng parak
KULUNGAN ang kinahantungan ng 40-anyos na lalaki matapos matimbog ng mga operatiba ng Manila Police District makaraang magsumbong ang 13-anyos na dalagita na ginahasa siya ng suspek sa Brgy. 128, Tondo Manila noong Miyerkules.
Kinilala ni Police Lt. Col. Melvin Florida, station commander ng MPD Raxabago Police Station.1 ang suspek na si alyas Juan Miguel.
Ayon sa salaysay ng biktima kasama nito ang kanyang kaibigan sa loob ng bahay ng suspek nang biglang makaramdam ng antok at nahiga siya sa kama.
Ngunit bigla na lamang umano naramdaman niya na tinanggal na ang kanyang damit habang binubulungan siya ng suspek na “maglalaro lang tayo.”
Naisakatuparan ng suspek ang panghahalay sa musmos na biktima.
Ang bahay ng biktima ay kalapit-bahay lamang ng suspek at kumpare pa ng kanyang ama kaya kakilala ng pamilya ang suspek.
Ayon pa sa sumbong ng bata na maka-ilang beses siyang minolestiya at hinalay ng suspek, subalit walang lakas ng loob na magsumbong ito dahil sa pananakot ng suspek.
Inaresto ang suspek sa pamumuno ni P/Capt. Leonardo So.
Sa isinagawang imbestigahan ng pulisya, inamin ng suspek ang ginawang pang-aabuso at panghahalay sa bata.
Nahaharap sa kasong rape ang suspek.