Calendar

Nanutok, nanapak timbog sa parak
INARESTO ng mga pulis ng dalawang lalaki na nanapak at nanutok ng baril sa 66-anyos na lolo na nakiusap na ibalik ang inalis na takip ng kanal sa eskinita sa Malabon City.
Tiklo sina alyas Kym, 26, at alyas Erron, na unang nagpakilala bilang alyas Jhon, 33, ng ireklamo ng biktimang si Lolo Lauro, ayon kay P/Col. Jay Baybayan, hepe ng Malabon police.
Sa imbestigasyon nina P/MSg. Ernie Baroy at P/MSg Diego Ngippol, pauwi na ang biktima sakay ng motorsiklo nang makitang tinanggal ng dalawa ang takip ng kanal sa Dulong Hernandez St. dakong alas-10:00 ng umaga.
Nakiusap siyang ibalik ng dalawa ang inalis nila upang makadaan ang kanyang motorsiklo.
Sa halip na tumalima, sinapak ng mga suspek ang matanda at tinutukan ng baril kaya’t sa takot nagtatakbong palayo patungo sa police precinct.
Ayon kay Col. Baybayan, nakumpiska ng nagrespondeng tauhan ng Special Weapon and Tactics (SWAT) team sa mga suspek ang dalawang hindi lisensyadong kalibre .45 na may tig-apat na bala.
Nang suriin ang rekord ng dalawa, natuklasan na hindi alyas Jhon kundi alyas Erron ang tunay na pangalan ng isa sa suspek na wanted sa mga kasong murder at PD 1602, batay sa warrant of arrest na inilabas ng hukuman laban sa kanya.
Mahaharap ang dalawa sa mga kasong physical injury, grave threat, concealing true name at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code sa Malabon City Prosecutor’s Office.