Calendar
Nanutok ng boga, nagbanta sa buhay, nasakote ng parak
ARESTADO ang 32-anyos na tambay matapos tutukan ng baril at binantaang papatayin ang stainless fabricator noong Sabado sa Valenzuela City.
Nakatakbo agad si alyas “Rex,” 41-anyos, hanggang makahingi ng tulong kina P/Cpl. John Melo De Paz at P/Cpl. Inglis Balagtas ng Valenzuela police na nagkataong nagpapatrolya sa lugar.
Sa ulat kay Northern Police District (NPD) director P/BGen. Benliner Capili, naglalakad sa Encarnacion Street, Barangay Marulas ang biktima dakong alas-5:30 ng hapon nang nakasalubong ang suspek na si alyas “Jay.”
Nagulat na lang ang biktima nang tutukan siya ng baril ni alyas “Jay” at sinabihang papatayin dahil sa bintang na pinagkakalat umano niya na drug pusher ang suspek.
Sinabi ni De Paz na nakumpiska ang cal .38 revolver ng suspek na may limang bala.
Mahaharap ang suspek sa mga kasong grave threat at paglabag sa Republic Act No. 10591, o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

