Calendar
National archers, nagpabilib sa Philippine Archery Cup
SABAY na idinaos nitong nakaraang Aug. 7-10 ang ikalawang leg ng Philippine Archery Cup at Age Group Developmental Program sa STI Goldtoe Archery Center sa Marikina City.
Higit 400 na mga archers, coaches at mga technical officials ang dumalo sa nasabing okasyon na isa sa mga pinagbabasehan ng World Archery Philippines para sa selection ng national training pool members na maglalaro sa iba’t ibang international tournaments sa taong 2026 mula sa Recurve, Compound at Barebow.
Naganap ang elite division nitong Huwebes at Biyernes, habang grassroots naman noong Sabado at Linggo.
Sa panayam kay World Archery Philippines secretary,general Nino Sinco, na-impress siya sa husay sa pagpana ng ilan sa mga top-caliber archers mula sa iba’t ibang clubs sa Luzon, Visayas at Mindanao na dumayo pa-Marikina para sa 4-day tournament.
“Definitely, the popularity ng archery ay lumalaki na because noong nasa Bacolod, ang total ay 285 at dito sa Marikina ay umabot sa 400. Mostly from other parts in the country including
Sorsogon, Naga, Isabela, Agra, Davao, Koronadal, Cebu and all well represented in regions,”;sabi ni Cinco.
Kabilang sa mga inaabangan ay ang pagsabak din ng mga national archers sa nasabing kompetitsyon.
“Na-dominate po ng national team ang compound pati si Recurve, nag-national record si Abby Bidaure for 70 meters with a score of 331. Breaking her own record that she set last year at 330,” diin niya.
Idinetalye din niya na ang proseso ng pagsala ng mga mapililing isabak sa national team.
“From Leg 1 and Leg 2, we would have the Leg 3 in a few months in Candon, Ilocos Sur, from that results and rankings, magkakaroon kami ng selection tournament for the national team sa 2026 based sa scores that we get pati yung national team members isasama din natin [to defend their slots],”dagdag niya.
Samantala, magkakaroon naman ng isa pang selection tournament sa Oktubre ang World Archery Philippines para sa mga archers na nais mapabilang sa mga lalahok sa 33rd SEA Games ngayong Disyembre sa Thailand.
Bukas rin sa posibilidad na magkaroon ng foreign training camp pero nakadepende pa rin ito sa ibibigay na funding ng Philippine Sports Commission (PSC).
Gab Ferreras

