pauls

National Press Freedom Day, pirmado na!

Paul M. Gutierrez Apr 28, 2022
218 Views

LABIS nating ikinakagalak na ibahagi ang naging mabuting balita na nilagdaan na ni Pangulo Rodrigo Duterte ang Republic Act 11699 na nagdedeklara sa Agosto 30 bilang ‘National Press Freedom Day.’

Itinaon ito sa kapanganakan ng Gat. Marcelo H. Del Pilar na kinikilala bilang ‘Ama ng Pamamahayag ng Pilipinas’.

Isang malaking tagumpay po ito dahil hindi lamang binibigyang karangalan ang kapanganakan ni Gat. Marcelo H. Del Pilar bilang isa sa mga bayani ng sambayanang Pilipino kundi napapanahon din sapagkat marami na sa mga kapatid natin sa hanapbuhay ang naliligaw na ng landas na nagpapadumi sa pangalan ng midya.

Malaking tulong ito upang magkaroon ng gabay ang ating mga mamamahayag sa diwa ng propesyunalismo, pagiging responsable at pagiging makabayan.

Hindi na po natin maitatanggi na ang midya po ngayon ay talaga namang nagkaroon na ng hindi magandang imahe sa publiko dahil sa aminin man natin o hindi may mga naging tiwali na rin sa ating hanay.

Ginamit ang kapangyarihan ng midya para sa kanilang sariling ganansiya at kapakinabangan. Nagpayaman at ginawang tuntungan para sa sariling interes.

Lalo na ngayong panahon ng eleksiyon. Huwag naman sana na matukso ang ating mga kasamahan sa trabaho na magpagamit sa mga may kapangyarihan at mga politikong tumatakbo na sa huli ay sila ang mapag-initan ng kanilang mga binabangga kapalit ng pera.

Dahil kung hindi sila makasuhan ng libelo o mapadalhan ng subpoena ay baka hitman na ang ipadala sa kanila. Pagkatapos noon ay magiging dungis na naman ng kalagayan ng press freedom sa bansa.

Maipagmamalaki po natin na isa ang National Press Club sa matagal na nagsulong upang maisakatuparan ito na tinrabaho ng apat na presidente magmula kay dating NPC President Benny Antiporda, Joel Egco, Rolando Gonzalo at ang inyo pong lingkod. Subalit malaki din po ang naging pagsusumikap ng lokal na gobyerno ng Bulacan, ang Bulacan Press Club, mga nasa akademya, at mga historyador.

At syempre nais din nating pasalamatan ang naging suporta ng Presidential Communications and Operations Office (PCOO), mga miyembro ng Kongreso at ibang sangay ng gobyerno.

Nais din nating pasalamatan si Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. bilang chair ng Senate Committee on Public Information and Mass Media para maisulong ito at makarating sa opisina ng Presidente.

Maraming maraming salamat po sa lahat ng mga nagsumikap upang makilala ng Estado ang malaking papel ng midya sa ating lipunan.

Ang naging deklarasyong ito ay nagpapatunay na may mahalagang responsibilidad tayo sa paghubog ng ating lipunan.

Bagamat narito na ang batas na ito, alam natin na marami pa tayong kailangang gawin upang mapabuti ang buhay at kalagayan ng mamamahayag at pamamahayag sa ating bansa.

Gayunpaman ito ay isang malaking tagumpay hindi lamang ng ating propesyon kundi ng buong bayan.

Muli pagbati po sa ating lahat!