Calendar
Naunang online presscon ni VP Sara sinuri ng NBI
SINABI ng isang NBI digital forensics agent nitong Martes na sinuri ng investigators ang isang naunang online press conference ni Vice President Sara Duterte bilang bahagi ng open-source investigation sa November 23, 2024 video na ginagamit ng House prosecutors sa Article IV ng kanyang impeachment case.
Sinabi ni NBI Senior Agent John Mark Calilung na tiningnan ng kanyang team ang mga naunang pahayag matapos ma-authenticate ang November 23 video, kung saan nauna nang ipinalabas sa impeachment court ang dalawang minuto at 18 segundong bahagi nito.
Ang Article IV ay tumatalakay sa umano’y grave threats at acts of sedition.
Sumunod ang testimonya sa naunang presentasyon ng prosecution ng November 23 video excerpt, kung saan umano gumawa si Duterte ng pahayag na may kinalaman kina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez.
“As part of our standard procedure, kailangan namin makita ang whole context kung bakit ito nagsimula,” sabi ni Calilung.
Sinabi niya na natukoy ng investigators ang isang October 18, 2024 online press conference ng Office of the Vice President.
Ayon kay Calilung, ang October 18 video ay naglalaman ng mga pahayag na kahalintulad ng nasa November 23 video.
Iniharap ng prosecution ang flash drive na naglalaman ng October 18 recording, na dati nang minarkahan bilang Exhibit B-4-11 para sa prosecution. Kinilala ito ni Calilung bilang flash drive kung saan niya sinave ang recording.
Pinatukoy ng prosecution kay Calilung ang mga partikular na bahagi ng October 18 video kung saan lumabas ang umano’y mga pahayag.
Tinukoy ni Calilung ang dalawang bahagi ng video para sa umano’y pahayag tungkol sa pagnanais na tanggalin ang ulo ng isang tao at pag-imagine na pinuputol ang ulo nito. Sinabi niyang lumabas ang mga bahagi mula 1:35:57 hanggang 1:36:10 at mula 1:36:52 hanggang 1:36:58.
Tinukoy din niya ang timestamp ng isa pang umano’y pahayag tungkol sa pag-realize ng nagsasalita na toxic na ang sitwasyon, pag-imagine na sinasakal ang isang tao, at pagsabing tapos na iyon.
Sinabi ni Calilung na lumabas ang bahaging iyon mula 1:38:32 hanggang 1:38:48.
Tinanong din ng prosecution ang umano’y pahayag tungkol sa nakaupong Pangulo na hindi umano marunong maging presidente.
Sinabi ni Calilung na lumabas ang pahayag mula 55:26 hanggang 55:37 ng October 18 video.
Tinukoy din ng testigo ang bahagi kung saan umano binanggit ni Duterte si Senadora Imee Marcos at ang West Philippine Sea.
Batay sa tanong ng prosecution, ang umano’y pahayag ay tumukoy sa pagpapahukay sa ama ni Senadora Imee Marcos at pagtatapon nito sa West Philippine Sea kung hindi sila titigil.
Sinabi ni Calilung na lumabas ang bahaging iyon mula 1:11:28 hanggang 1:11:42 ng video.
Tinanong din ng prosecution ang isa pang umano’y pahayag kung saan sinasabing sinabi ni Duterte na ayos lang kung si Marcos ang Pangulo para sa iba, ngunit siya ay hanggang vice president lamang at walang “number one” para sa kanya ang bansa.
Sinabi ni Calilung na lumabas ang bahaging iyon mula 1:04:02 hanggang 1:04:16.
Hiniling ng prosecution sa court na payagang ipalabas ang mga partikular na bahagi ng October 18 video na tinukoy ng testigo.
Pinayagan ni Presiding Officer Senador Francis “Chiz” Escudero ang playback, sa kundisyong sasamahan ng kinatawan ng defense ang counsel ng prosecution sa technical booth upang matiyak na ang parehong USB flash drive ang gagamitin.
Ipinakita sa court ang mga piniling bahagi ng October 18 video.
Pagkatapos ng playback, tinanong ng prosecution si Calilung kung kaninong ulo ang umano’y tinutukoy ni Duterte sa pahayag tungkol sa pagputol ng ulo ng isang tao.
“The President, sir,” sagot ni Calilung.
Sinabi ni Calilung na ang mga clip na ipinalabas sa court ay bahagi ng October 18 video na kanyang ni-record at in-authenticate.
Tinanong muna ni Senator-Judge Risa Hontiveros si Calilung kung ano ang pagkakatulad ng October 18 statements at ng November 23 video na tinutukoy ng prosecutors bilang umano’y assassination threat.
“Both were, ang tinutukoy, ang pinapunto po is yung President. And makikita po rin na hindi na sila in good terms noong Oct. 18 pa lang po,” sabi ni Calilung.
Pagkatapos nito, tinanong ni Hontiveros ang prosecution kung bakit maituturing na impeachable ang umano’y mga pahayag kung hindi naman pinatutunayan ng mga ito na totoong kumontrata o kumuha si Duterte ng assassin.
Sinagot ng prosecution na ginagamit nito ang rules of evidence sa mga pahayag na maaaring magpakita ng specific intent, knowledge, identity, plan o system.
Tumutol si Senator-Judge Pia Cayetano sa tugon ng prosecution, at sinabing tila closing statement ito sa yugto na tumatanggap pa lamang ng ebidensya ang impeachment court.
Tumutol din ang defense, at sinabing ang mga pahayag ng prosecution ay naglalaman ng conclusions of fact and law sa halip na ebidensya.
Sinabi ni Escudero na bibigyan ng oras ang defense na sumagot matapos ang cross-examination kay Calilung upang maging patas sa magkabilang panig.
Tinanong din ni Senator-Judge Erwin Tulfo kung maaaring bigyan ang senator-judges ng sworn statements, testimony o affidavits ng mga testigo bago sila iharap.
Sinabi ni Escudero na hindi in-adopt ng impeachment court ang judicial affidavit rule dahil nais nitong ang testimonya ay ibigay sa open court at marinig ng senator-judges at ng publiko.
Gayunman, sinabi ni Escudero na sisikapin ng clerk of court na bigyan ang senator-judges ng kopya ng mga annex na kalakip ng pre-trial order at pre-trial briefs, na aniya’y sasaklaw sa humigit-kumulang 80 porsiyento ng mga dokumentong ihaharap ng magkabilang panig.
Ipinaliwanag din ni Calilung ang kanyang open-source investigation matapos magtanong si Senator-Judge Sherwin Gatchalian.
Sinabi niya na ang open-source investigation ay pangangalap ng impormasyong makukuha sa internet at maaaring ma-access ng publiko.
Tinanong kung paano tiniyak ng investigators ang katumpakan ng impormasyon sa panahon ng fake news, sinabi ni Calilung na umasa siya sa official websites at official webpages.
Ipinaliwanag din ni Calilung na ang manual comparison ng videos ay ginawa sa pamamagitan ng dalawang monitor at sabay na pagpapatakbo ng videos upang tingnan kung tugma ang video at audio.
Sinabi niya na siya ang gumawa ng authentication, bagaman ni-review ang kanyang trabaho ng isang executive officer at ng kanyang chief.
Sinabi pa ni Calilung na natukoy ng NBI ang mga tugon nina Marcos, Romualdez at mga ahensya ng pamahalaan matapos ang November 23 statement ni Duterte.
Tinukoy niya ang Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, National Security Council at Presidential Communications Office.
Sinabi niya na kumuha siya ng screenshot ng statement mula sa official webpage ng Presidential Communications Office at in-authenticate din niya ang video recording ng pahayag ni Marcos.
Kalaunan, ipinalabas ng prosecution ang video ng tugon ni Marcos sa kontrobersiya.
Sa video na ipinalabas sa court, sinabi ni Marcos na nakakabahala ang mga pahayag na narinig sa mga nakaraang araw at tinukoy ang umano’y banta at planong ipapatay ang ilang opisyal.
“Nandiyan ang walang pakundangang pagmumura at ang pagbabanta ng planong ipapatay ang ilan sa atin,” sabi ni Marcos sa video.
Sinabi rin niya na dapat pairalin ang rule of law.
“Kailangan manaig ang batas sa anumang sitwasyon, sino man ang tamaan,” sabi ni Marcos.
Sinabi ni Calilung na iyon ang video recording na kanyang in-authenticate.
Muling tumutol ang defense sa mga printout na iniharap ng prosecution, at binanggit ang certified true copy markings sa mga dokumento. Sinabi ni Escudero na noted ang objection, alinsunod sa naunang ruling ng court sa kahalintulad na objections.
Tinanong din ng prosecution si Calilung tungkol sa isang PCO statement na umano’y naglarawan sa pahayag ni Duterte bilang “active threat.”
Sinabi ni Calilung na kumuha siya ng screenshot ng PCO webpage, nag-save ng electronic copy, ipinrint ito at isinumite sa House Committee on Justice.
Nagpatuloy ang impeachment court sa pagtanggap ng testimonya ni Calilung habang binubuo ng prosecutors ang kanilang presentasyon sa Article IV gamit ang November 23 video, umano’y naunang mga pahayag, at mga tugon ng pamahalaan na sumunod dito.

