Yosi at Vape Source: Bureau of Customs

Nawawalang kita ng gobyerno mula sa illegal na yosi, vape ikinabahala

12 Views

NAALARMA si Senador Sherwin Gatchalian sa tinatayang P50-bilyong tax leakage noong 2024 dahil sa pagtaas ng illicit trade o bawal na pangangalakal ng mga produktong sigarilyo at vape.

Sa tinatayang kabuuang tax leakage noong nakaraang taon, ang ilegal na kalakalan ng sigarilyo ay nagresulta sa P34.37 bilyong kawalan ng kita ng gobyerno. Ang misdeclaration ng vapor products naman ay nagdulot ng tax leakage na aabot sa P14.84 bilyon, habang umaabot naman sa P840 milyon ang nawalang kita ng gobyerno sa illicit trade ng heated tobacco products. Ang mga numerong ito mula sa Senate Committee on Ways and Means ay batay sa datos ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

“Nakakabahala na ang illicit trade ay hindi lamang nagreresulta sa kawalan ng kita ng gobyerno, nagpapalala din ito ng mga panganib sa kalusugan na nauugnay sa paninigarilyo at vaping,” sabi ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.

Ang tinatayang excise tax leakages dahil sa illicit trade ng mga sigarilyo at misdeclaration ng mga vapor products ay tumaas mula sa P13.9 bilyon noong 2019, P26.3 bilyon noong 2020, P32.5 bilyon noong 2021, P39.3 bilyon noong 2022 at P48 .3 bilyon noong 2023.

Samantala, inaasahang tataas pa ang tax leakage dahil sa illicit trade ng mga sigarilyo at vapor products. Nakikitang aabot ito sa P54.1 bilyon ngayong taon, na tataas pa sa P58.2 bilyon sa 2026, P62.1 bilyon sa 2027, at P65.9 bilyon sa 2028.

Binigyang-diin ni Gatchalian na mahalaga para sa gobyerno na tugunan ang ilegal na kalakalan, na nagpapadali sa pagbili ng mga sigarilyo at vape ng mga grupong sensitibo sa presyo tulad ng mga kabataan.

Ang pagtugon sa ilegal na kalakalan ay hindi lamang magpapabuti sa koleksyon ng excise tax mula sa sigarilyo at vape, kundi maaari ring makapigil sa paninigarilyo at paggamit ng vape ng mga kabataan, aniya.