Calendar

NBI nasamsam P121M pekeng LV bag sa Cavite
ALINSUNOD sa kampanya laban sa paglaganap ng mga pekeng produkto,nasamsam ng mga operatiba ng NBI ang mahigit P121 million halaga ng mga pekeng Louis Vuitton BAG sa Cavite.
Ito ay matapos na ipatupad ang search warrants ng National Bureau of Investigation—Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD), sa pamumuno ni NBI Director Jaime B.Santiago, sa ilang lugar sa Cavite City dahil sa paglabag sa Republic Act No. 8293 “Intellectual Trademark” (Intellectual Property Code of the Philippines).
Nag-ugat ang operasyon matapos ang reklamong natanggap mula sa kinatawan ng Louis Vuitton,Mayank Vaid, laban sa mga indibidwal at entity na sangkot sa hindi awtorisadong pagbebenta at pamamahagi ng mga pekeng produkto.
Bitbit ng mga operatiba ng NBI ang mga search warrant at inihain sa mga establisyimento sa General Trias at Imus, Cavite, na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga pekeng produkto ng Louis Vuitton na may tinatayang halaga P121,622,838.
Pinuri ni Director Santiago ang mga operatiba ng NBI-IPRD sa matagumpay na pagpapatupad ng mga nasabing warrant at pinaalalahanan ang publiko na iwasan ang pagtangkilik sa mga pekeng produkto.