Calendar
NBI natimbog Marawi City VM sa kasong pagpatay
NATIMBOG ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang Vice Mayor ng Marawi City noong Lunes dahil sa kasong pagpatay at tangkang pagpatay.
Ayon sa NBI, ginagamit ng suspek ang pangalang Anouar A. Abdulrauf para makaiwas sa pag-aresto pero Anwar Romuros aka Anouar Abedin Romuros Abdulrauf ang tunay na pangalan nito.
Nagtungo ang mga operatiba ng NBI sa Hall of Justice sa Marawi City pagkatapos ng flag-raising ceremony para isilbi ang warrant of arrest sa suspek sa tulong ng 103rd Infantry Brigade ng Army, Task Force Marawi ng Marawi City at Task Force Oro ng Cagayan De Oro City.
Sinampahan ng mga kaso ng pagpatay at tangkang pagpatay ng asawa ng napatay na biktima na si Latip Sultan ang suspek.
Kinilala ng testigo na si Abdulraof Alim Dimaporo ang incumbent vice mayor ng Marawi City kung saan siya rin ang nagpakilalang si Anouar Abedin Romuros Abdulrauf, isa sa mga akusado sa mga nabanggit na kaso.
Ayon sa NBI, pinagbabaril ng armadong grupo sa pangunguna ng naarestong suspek ang mga biktima na nagresulta ng pagkamatay nito at ikinasugat ng iba pa.
Patuloy ang manhunt para sa ikadarakip ng iba pang kasamahan ng suspek.