Santiago Drugas Iniulat ni NBI Director Jaime Santiago ang nasabat na ilegal na droga na nagkakahalaga ng P23 million sa Davao City. JONJON C. REYES

NBI ni-raid Davao repacking center, P23M kush nasamsam

Jon-jon Reyes Jun 8, 2025
18 Views

AABOT sa P23 milyon na halaga ng shabu at kush ang nasamsam ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Southeastern Mindanao Regional Office (NBI-SEMRO) sa isang repacking at distribution hub sa Davao City noong Linggo.

Sa ulat kay NBI Director Jaime Santiago, nagsagawa ng anti-drug operation ang NBI-SEMRO XI, sa pamumuno ni Regional Director Atty. Arcelito Albao, alas-5:00 ng umaga sa isang residential unit sa Emily Homes, Cabantian, Davao City kung saan nagre-repack ng mga iligal na droga.

Nasamsam ang 4.885 kilo ng kush na may street value na P5.86 milyon; 1.575 kilo ng shabu na katumbas ng P17.325 milyon; food delivery boxes ng Foodpanda at Maxim, heat sealer at gamit sa repacking; imported cannabis-based products na kinabibilangan ng mga Boutiq Switch V3 HCT concentrates, Kaws Exotic and Cereal Edition packages, mga Packwoods X Runtz vape pens, Bored Hash Edibles, Big Chief Guava live resin at Sluggers Hit Disposables.

Ang ilegal na operasyon umano ay isinasagawa sa pamamagitan ng food delivery upang ikubli ang mga iligal na droga.