Calendar

NBI tinimbog 4 human trafficking suspek
APAT na suspek sa human trafficking ang nahuli ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Organized and Transnational Crimes Division (NBI-OTCD) sa Makati noong Biyernes.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nakatanggap ang OTCD ng impormasyon kaugnay sa isang establisyemento na sinasabing sangkot sa trafficking ng mga kababaihan na pawang mga menor de edad sa loob ng Me Two Club (M2).
Nagsagawa ng entrapment at rescue operation ang mga operatiba sa pakikipag-ugnayan sa Makati Social Welfare Department (MSWD), NBI-Human Trafficking Division (HTRAD), Department of Justice Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ-IACAT) at isang non-government organization para masagip ang mga trafficking indibidwal.
Tumuloy sa nasabing lugar ang grupo at nagpanggap na mga poseurs-customer.
Dito na nakakuha ng pagkakataon ang mga operatiba na magsiyasat sa club sa pamamagitan ng pagtatanong sa mahigit 102 customer care assistants (CCAs) na mga biktima.
Anim na CCA ang boluntaryong nagbigay ng sinumpaang salaysay sa NBI at nagkumpirma na may sexual acts sa mga customer ng M2 na may bayad.
Kasama sa inaresto ang mga “mamasang” sa mga biktima na sina si alyas Carl, mommy Carlie, alyas Arlene o kilala sa tawag na mommy Andy at alyas Danca o mommy Mika.
Kakasuhan ng paglabag sa Section 4 (a) ng RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003) na sinususugan ng RA 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012) ang mga nahuli.