NBI

NBI: Video ni VP Sara na nagbabanta ng pagpatay kina PBBM, FL Liza Marcos at dating Speaker FMR hindi budol

Mar Rodriguez Apr 29, 2026
17 Views

HINDI “budol” o peke ang video ni Vice President Sara Duterte noong Nobyembre 23, 2024 na nagpapakita ng malutong na pagmumura at harap-harapang nagbabanta ng pagpatay laban kina President Bongbong R. Marcos, Jr. First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ito ang kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagpapatuloy ng impeachment hearing ng House Committee on Justice na pinamumunuan ni Batangas 2nd District Rep. Jerville “Jinky Bitrics” Luistro kaugnay sa video ni VP Sara.

Si NBI Agent John Mark Calilung ang nag-kumpirma sa harap ng Justice Committee na ang naturang video ni Duterte ay na-authenticate sa ilalim ng Affidavit of Authentication of Digital Evidence ng ahensiya.

Ayon kay Calilung, kalakip ng AADE ang kanilang Affidavit of Investigation na isinumite nila sa Committee on Justice.

Ang video na ipinalabas na pagdinig ng Komite ay nagpapakita kay VP Duterte na nagsasabing: “Pt**ina ninyong lahat. Martin Romualdez, Liza Marcos, Bongbong Marcos. Huwag kang mag-alala, Ma’am, sa security ko, kasi may kina-usap na ako na tao. Sabi ko sa kaniya, kapag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Marcos at si Martin Romualdez. No joke, no joke”.

Ang video na iniharap ng NBI sa Committee on Justice ay parehong clip na tinutukoy sa ikatlo at ikaapat na impeachment complaint laban sa Vice President na nag-aakusa sa kaniya ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust at iba pang mabibigat na Krimen kaugnay sa nasabing pagbabanta.

“Ang authentication po ay pagtiyak na ang video ay Pareho at tunay na recording ng nangyari. Tinitiytak po namin na hindi po ito edited o spliced o AI-generated, Your Honor,” paliwanag ni Calilung.

𝗧𝗼 𝗚𝗼𝗱 𝗯𝗲 𝘁𝗵𝗲 𝗚𝗹𝗼𝗿𝘆