NCRPO

NCRPO pinalakas 911 emergency response

Edd Reyes Sep 23, 2026
114 Views

PINALAKAS ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang kakayahan sa pagtugon sa pangangailangan nang magdagdag pa ng 73 police motorcycle bilang suporta sa serbisyo ng 911 emergency hotlines sa Metro Manila.

Sinabi ni NCRPO Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano na malaking tulong ang suporta ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla at PNP Chief P/Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa pagpapalakas ng kanilang kakayahan na tumugon sa mga emergency call at makapagbigay ng mas mabilis at epektibong serbisyo sa publiko.

“Every second matters during an emergency. These additional motorcycles will give our responders greater mobility and allow them to reach people in distress as quickly as possible,” sinabi ni PBGen. Abrahano .

Sa oras aniya na may tumawag sa 911, nais aniya nilang makatugon kaagad ang kapulisan ng mabilis, maayos, at maaasahan, at dito makakatulong ng malaki ang mga motorsiklo na mabilis makakatugon sa masikip na daloy ng trapiko at mailalapit ang tulong sa komunidad.

Inatasan din ni PBGen. Abrahano ang mga police commander na tiyaking maayos ang deployment ng mga motorcycle responder sa mga strategic area at palaging handang tumugon sa mga emergency call.

Dumalo sa turn-over ceremony sina DILG Secretary Jonvic Remulla, Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, kinatawan ng alkalde sa mga Lungsod ng Maynila at Pasig, mga District Director sa Metro Manila, at kinatawan ni PNP Chief P/Gen. Nartatez.