NP-Cops

NE cops umupak; 12 kriminal hinakot

Steve A. Gosuico Jun 22, 2025
16 Views

CABANATUAN CITY–Nagresulta sa pagkakaaresto ng 12 suspek at pagsamsam ng humigit-kumulang P209,440 na halaga ng shabu noong Sabado ang siyam na anti-illegal drugs at anti-criminality operations sa siyudad na ito.
Sa lungsod na ito, nasakote ang tatlong hinihinalang tulak ng droga sa buy-bust sa Alitaptap St., Brgy. Dionisio Garcia at nakakumpiska ang mga awtoridad ng hindi bababa sa 27.5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P187,000.

Apat na iba pang anti-illegal drug operations ang humantong sa pagkakaaresto sa apat na suspek sa Aliaga, 2 suspek; Quezon, 1; at Peñaranda, 1 suspek.

Nasamsam ng mga pulis ang 3.3 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P22,440.

Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) para sa inquest-filing laban sa mga suspek sa opisina ng piskal na nasasakupan nito.

Samantala, limang suspek ang inaresto sa bisa ng arrest warrant para sa estafa sa San Jose, alarm and scandal sa Gapan, pagnanakaw sa Zaragoza at Gen. Tinio at qualified theft sa Gabaldon.

“Itong mga pag-aresto ay nagpapakita na walang kawala ang mga lumalabag sa ating batas. Nasangkot man sa iligal na droga o iba pang krimen, hindi sila makakaiwas sa hustisya sa Nueva Ecija,” sabi ni Nueva Ecija police chief P/Col. Ferdinand Germino.