Teofimar Renacimiiento

Ngumiti na ang pag-asa ng umagang anong ganda!

256 Views

PANALO na bilang susunod na Pangulo ng Republika ng Pilipinas si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM). Malayong-malayo ang agwat ng lamang ni BBM sa pumapangalawang si Leni Robredo. Hindi pa tapos ang gabi ng araw ng halalan, maraming nang bumabati kay BBM.

Nagtagumpay din si Inday Sara Duterte bilang bise presidente. Tulad ng kanyang katambal na si BBM, malayong-malayo ang lamang ni Inday Sara sa pumapangalawang si Kiko Pangilinan.

Sinabi ni BBM nung gabi ng halalan na dapat antayin ng mga bumoto sa kanya at kay Inday Sara na patapusin muna ang bilangan bago sila tuluyang magdiwang. Dagdag naman ni BBM, maaring mag-antay ang pagdiriwang, ngunit hindi maaaring mag-antay pa ang kanyang pagpahayag ng matinding pasasalamat sa lahat ng mga tumangkilik sa kanyang kandidatura.

Nagpahayag din ng pasasalamat sa madla si Inday Sara.

Sa simula pa lang ng kampanya, nangunguna na sina BBM at Inday Sara sa mga election surveys, o mga pagtala ng kinapupusuan ng mga botante para sa halalan sa Mayo 9, 2022.

Ang mga nasabing election survey ay isinagawa ng mga kilalang mga dalubhasang mga tagasaliksik na gumamit ng agham sa kanilang mga survey.

Tumpak ang sinabi ng mga survey. Sina BBM at Inday Sara ang nais ng taong-bayan na mamumuno sa ating pamahalaan simula nitong Hunyo 30, 2022.

Ilang mga araw bago dumating ang araw ng halalan, mayroon ilang maiingay at nagmamarunong na mga propesor kuno na bumatikos sa mga survey kung saan palaging nangunguna sina BBM at Sara. Ayon sa mga nasabing propesor, palpak daw ang prosesong ginamit sa mga nasabing survey.

Biro mo? Mga hindi dalubhasa at walang sapat na nalalaman tungkol sa larangan at agham ng paggawa ng survey, binabatikos ang mga dalubhasang mga gumagawa ng survey!

Halata naman sa baluktot na pagdadahilan ng mga nasabing nagdudunong-dunungang propesor na sila ay panig kay Robredo.

O, ano ngayon ang nangyari? Hinalal ng taong-bayan sina BBM at Inday Sara, tulad ng sinabi ng mga survey. Lampaso sina Robredo at Pangilinan.

Samakatuwid, naging basang-sisiw ang mga nasabing propesor.

Nagsalita na ang taong-bayan, at ang kanilang hinalal ay sina BBM at Inday Sara. Dapat galanging ng lahat ang tinig ng mga mamamayan.

Dahil nahalal na sina BBM at Inday Sara, ngumiti na ang pag-asa ng umagang anong ganda para sa Pilipinas at Pilipino.

Anya nga ni BBM, sabay-sabay tayong lahat babangon muli.

Mabuhay sina BBM at Inday Sara!