Coseteng

Nikki Coseteng: Prov’l buses kasama sa pagbangon ng ekonomiya

300 Views

NANANATILING hadlang sa pagbabalik sa normal na sitwasyon ang matinding kakulangan ng bus na bumibiyahe sa mga probinsiya at Metro Manila.

Sangkap ang mga bus pamprobinsya sa muling pagbuhay at paglago ng pambansang ekonomya na pinatay ng mga polisiya ni Rodrigo Duterte. Kung wala ang mga bus pamprobinsiya, kalimutan ang muling pagbangon.

Ayon kay Nikki Coseteng, dating senador, pumayag ang 18 sa 20 kasapi ng IATF sa isang pulong na payagan pumasok ang mga bus pamprobinsya sa Metro Manila. Aniya, may pahayag ang PCOO (hindi ang DoTr o LTFRB), na pinapayagan ang mga bus pamprobinsya na pumasok at kumuha ng pasahero sa bus terminal ng Cubao, ngunit hindi ang mga bus na galing sa hilagang Luzon. Kailangan dumaan ang mga bus pamprobinsya sa central bus terminal sa Bocaue.Tanging doon sila makakalulan ng mga pasahero.

Napansin ni Nikki Coseteng na hindi gumagalaw ang DoTr upang mabigyan ng solusyon ang matinding kakulangan ng mga bus pamprobinsya na biyahe mula Metro Manila patungo sa mga destinasyon sa ibang lalawigan. Napansin niya na mukhang nais ng DoTr na dumagsa ang mga bus sa EDSA kung papayagan silang magbiyahe at kung lumala ang trapiko sa EDSA, isisi ang lahat sa mga bus upang tuluyan na silang mawala sa pagwawakas ng termino ni Duterte.

Para sa kanya, “may mga aninong gumagalaw” kung bakit hindi pinahihintulutan ng DoTr na bumiyahe ang mga bus pamprobinsya. Hindi tuwirang pinangalanan o binanggit ni Coseteng kung ano at sino ang mga aninong pumipigil upang muling makalabas ang mahigit sa 5,000 bus na bumibiyahe mula Metro Manila at mga probinsiya.

Muling binanggit ni Coseteng ang kanyang pusta na P2 milyon kay Arturo Tugade, kalihim ng DoTr, at iba pang opisyales na sumakay ng mga pampublikong sasakyan sa loob ng isang buwan upang malaman nila ang totoong hirap ng mga pasahero sa pagsakay ng pampublikong sasakyan. Sinabi ni Coseteng na nakahanda siyang ibigay ang pustang P2 milyon kung mapapatunayan ni Tugade na hindi mahirap ang bumiyahe sa mga pampublikong bus.

Nagpahayag si Coseteng ng kalungkutan sa hindi pagsipot ni Tugade at ibang opisyales ng DoTr sa kanyang hamon na magkita noong nakaraang linggo sa isang fast food joint sa harap ng Bonifacio Monument sa Caloocan City at pumunta sa central bus terminal sa Bocaue, Bulacan upang sumakay ng bus pamprobinsya. Ipinakita ni Coseteng ang footage kung saan pumunta siya ng bus, sumakay ng jeep papuntang Bocaue, at sumakay ng traysikel sa pamasaheng P100 para marating ang central bus terminal nan nasa tabi ng Philippine Area na pag-aari ng Iglesia ni Cristo. Ipinakita ng video clip na inabutan ni Coseteng na halos walang laman na bus ang central terminal sa Bocaue.

Kinondena ni Coseteng ang patuloy na pananahimik ni Tugade at ibang opisyales ng DoTr sa itinuturing niyang “penitensiya” ng sambayanang Filipino sa usapin ang transportasyon lalo na ang bus pamprobinsya. Hindi sumasagot si Tugade at sinuman sa DoTr. Mukhang may sabwatan ang DoTr at iba pa sa pananahimik sa isyu na nakalipas na dalawang taon. Pati media ay tahimik, aniya.

Nilinaw naman ng dating senador na siya ay hindi operator ng bus o anumang pampublikong sasakyan. Marami lang, aniyang, dumudulog at humihingi ng tulong sa kanya na ordinaryong tao at nahihirapan sa kasalukuyang sitwasyon sa pagbiyahe paputang probinsya. “Hindi naman natatapos ang pagtulong kahit wala ka na sa pulutika,” ani Coseteng.