Suspek

NPD dinakip alkalde, konsehal, kawani sa Bulacan sa akusang panggagahasa

Edd Reyes Dec 18, 2024
204 Views

Suspek SuspekDINAKIP ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang alkalde, konsehal, at kawani ng isang bayan sa Bulacan na pawang akusado sa panggagahasa mahigit limang taon na ang nakakalipas sa Caloocan City.

Sa ulat ni NPD Acting Director P/Col. Josefino Ligan kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/BGen. Anthony Aberin, natunton nina P/Lt.Col. Alain Licdan ang mga akusadong sina alyas Mayor “Rico”, 51, alyas Councilor “Jonjon”, 48, ang ang kawani na si alyas “Roel” 52, sa Amana Waterpark sa Pandi, Bulacan, dakong ala-1 ng hapon ng Martes.

Ayon kay Col Ligan, isinilbi ng kanyang mga tauhan, sa tulong ng Criminal Investigation and Detection Group-Northern District Forensic Unit (CIDG-NDFU), ang warrant of arrest na inilabas ni Calooran Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Ma. Rowena Violaga Alajandria ng Branch 121 para sa dalawang bilang na kasong rape sa ilalim ng Article 266 ng Revised Penal Code na walang inirekomendang piyansa.

Binasahan din ng kanilang karapatan ang tatlo, kaharap ang kanilang abogadong si Atty. Doctor, bago sila dinala sa headquarters ng NPD sa Caloocan upang pansamantalang iditine sa kanilang custodial facility habang hinihintay ang paglalabas ng commitment order ng korte.

Batay sa rekord, inakusahan ng biktima ang tatlo ng panghahalay na naganap umano sa Lungsod ng Caloocan noong Abril 6, 2019.

Mariin namang itinanggi ng mga akusado ang akusasyon at naghain kaagad ng mosyon na nagpapawalang bisa sa warrant of arrest kasabay ng panggigiit na gawa-gawa lamang umano ang akusasyon na may bahid pulitika.

“This operation demonstrates the commitment of the Northern Police District to uphold justice, regardless of who is involved. We will continue to pursue our mandate to ensure the safety of our communities and hold accountable those who violate the law. Let this serve as a strong message that justice will be served and the rule of law will always prevail,” pahayag ni Col. Ligan.