Calendar
NTDP ng Department of Tourism suportado ng House Committee on Tourism
SUPORTADO ng House Committee on Tourism ang National Tourism Development Plan (NTDP) ng Department of Tourism (DOT) na inaasahang makakaakit ng nasa tinatayang limang-put-dalawang (52) milyong dayuhang turista mula sa iba’t-ibang panig ng mundo mula 2023 hanggang sa taong 2028.
Kasabay nito, ikinagalak din ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng Tourism Committee, ang nakalatag na NTDP ng Tourism Department na lalo pang magpapa-angat hindi lamang sa turismo kunti pati narin sa ekonomiya ng Pilipinas sa loob ng anim na taon.
Binigyang diin ni Madrona na ang NTDP ay isang malinaw na indikasyon o senyales na napaka-ganda ng direksiyong tinatahak sa kasalukuyan ng Philippine tourism dahil narin sa mahusay na pamamalakad ni Tourism Secretary Maria Christina Garcia-Frasco mula ng maupo ito sa ahensiya.
Muling iginiit ni Madrona na ang turismo sa Pilipinas ang isa sa mga itinuturing na “economic driver o economic backbone” ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para pagkuhanan ng malaking kita para muling maibangon ang ekonomiya ng bansa matapos ang panghahagupit ng COVID-19 pandemic.
Nauna rito, inaprubahan kamakailan ni Pangulong Marcos, Jr. ang 2023-2028 National Tourism Development Plan (NTDP) ng Tourism Department kasabay ng isinagawang sectoral meeting sa Malakanyang.
Dahil dito, ipinaabot din ni Madrona, bilang Chairman ng House Committee on Tourism, ang kaniyang taos puso at marubdob na pasasalamat para kay Pangulong Marcos, Jr. dahil sa solidong suporta na ibinibigay umano ng Punong Ehekutibo sa Philippine tourism na binanggit din nito aniya sa kaniyang kauna-unang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang taon.
Sinabi pa ni Madrona na malaking bagay ang ibinibigay aniyang suporta ng Pangulong Marcos, Jr. para sa turismo ng Pilipinas dahil maaaring nakikita nito na isang malaking potensiyal ang turismo para maibangon nito ang ekonomiya ng bansa mula sa krisis ng COVID-19 pandemic.