Calendar
Obispong Aglipayan kay VP Sara: Nais naming marinig ang katotohanan
INULIT ng obispo ng Aglipayan Church na si Alvin Valera noong Martes ang kanyang panawagan kay Bise Presidente Sara Z. Duterte na dumalo sa huling pagdinig ng House Committee on Justice sa Miyerkules at sagutin ang mga kasong impeachment laban sa kanya.
Sa isang pulong-balitaan sa House of Representatives kasama si House Committee on Public Accounts Chair Terry L. Ridon at iba pang lider-relihiyoso, sinabi ni Valera na nais nilang marinig mismo mula sa Bise Presidente ang katotohanan.
Aniya, kung walang itinatago ang isang opisyal na inaakusahan, wala itong dapat ikatakot at dapat patunayan na mali ang kanyang mga kritiko.
“At sa amin po sa simbahan, hindi matatawaran ang aming pananabik na marinig mismo sa bibig ng ating Pangalawang Pangulo ang katotohanan hinggil sa samu’t saring katanungan sa kanya,” ani Valera.
Nakipagpulong ang grupo kay Ridon para sa House–Church impeachment dialogue sa North Lounge Extension (NLEx) ng House of Representatives.
Samantala, sinabi ni Dr. Melba Maggay ng Institute for Studies in Asian Church and Culture na dapat nakatuon ang proseso ng impeachment sa hustisya at pananagutan.
Hinimok din ni Maggay ang kampo ng Bise Presidente na itigil ang pag-asa sa mga teknikalidad at ang tinawag niyang “weaponization of the law.”
“Ang mahalaga dito ay accountability at hustisya, at sinumang tinatamaan ng ganitong usapin ay dapat matutong sumagot sa lahat ng paratang,” aniya.
“Nakasalalay kay Vice President Duterte ang kinabukasan ng bansang ito. Isipin natin kung ano ang mangyayari kung hindi natin kayang litisin ang mga makapangyarihan sa ating lipunan.
Sana ay maging ehemplo ito,” dagdag niya.
“Ang panawagan namin sa mga kinauukulan—maging sa Pangulo, kay Vice President Duterte, o sa mga senador at kongresista—ay unahin sana ang hustisya at huwag ang pamumulitika, maging pro o laban man kay Duterte,” ani Maggay.
Nagpahayag din siya ng pagkabahala sa patuloy na pagtuon sa mga teknikalidad at sa umano’y paggamit ng batas bilang sandata.
Binatikos niya ang kabiguan ng kampo ni Duterte-Carpio na sagutin ang mga paratang sa impeachment.
“Ang nangyayari ngayon, halos lahat ay ginagawang teknikal. Halimbawa, ang defense team, hindi sinasagot ang mga paratang. Sa halip, kumukuha ng mga teknikal na isyu tulad ng jurisdiction, bank secrecy, at iba pa,” aniya.
“Bilang mga taong simbahan, naniniwala kami na hindi dapat ginagawang teknikal o ginagawang sandata ang batas,” dagdag niya.
Binanggit din ni Maggay ang malawakang debate tungkol sa utos na “trial forthwith” sa Senado noong nakaraang proseso ng impeachment.
“Katulad ng ‘forthwith’ na nangyari sa Senado, lahat na lang ay ginagawang teknikal. Sana naman ay makinig ang mga abogado—ang nais ng Diyos ay hustisya,” aniya.
Muling nanawagan si Maggay sa kampo ng Bise Presidente na tigilan na ang pag-asa sa mga teknikalidad.
“Halos hinahalukay ninyo ang lahat ng teknikalidad. Sana ay tama na iyon. Bigyan na natin ito ng tuldok. Itigil na ang mga teknikalidad at sagutin nang direkta ang mga paratang. Iyan ang nais naming mangyari,” ani Maggay.

