Patay

Obrero namatay sa holding area ng bgy hall; 2 tanod, 2 laborer arestado

164 Views

KALABOSO ang dalawang tanod at dalawang construction worker matapos bugbugin ang kasamahang obrero at namatay sa holding area ng barangay hall sa Quezon City noong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ang biktima na si alyas “Jerry”, stay-in sa construction site sa Congressional Ave., Brgy. Bahay Toro, Quezon City.

Agad namang naaresto ang mga suspek na sina alyas “Sta Ana”, 66, tanod; “Peñaranda, 60, desk officer ng Barangay Bahay Toro; “Rioja”, 44, foreman,, at “Santiago”, 35, construction worker.

Sa naantalang ulat sa Project 6 Police Station (PS-15) ng Quezon City Police District (QCPD), alas- 10:45 ng gabi noong Miyerkoles (December 31), nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa holding area ng isang barangay hall sa Quezon City.

Batay sa imbestigasyon, noong gabi ng Disyembre 30, nagtungo si alyas “Sanje’ sa nasabing barangay hall, at inireport ang umanoy pagnanakaw ng biktima.

Nahuli umano ni Rioja ang biktima na nagnakaw ng mga construction materials sa loob ng construction site.

Nagresponde ang mga tanod na sina “Maturan” at “Barquillo” sa construction site at pagdating nila ay bumungad sa kanila ang ang biktima na tila lasing at nakatali ng lubid.

Habang nasa loob ng barangay hall, binawi ng complainant na si Sanje ang kanyang reklamo at iniwang nasa kustodiya ng mga tanod na sina Maturan at Barquillo ang biktima.

Dinala umano nina Maturan at Barquillo ang biktima sa Quezon City General Hospital upang ipagamot ang sugat nito sa ulo.

Pagkatapos ay ibinalik sa barangay hall ang biktima kung saan ang duty desk officer ay si Peñaranda, pero sa halip na palayain ito matapos iaatras ang reklamong pagnanakaw ay inilagay umano si Jerry sa kanilang holding area at hindi umano ini-report sa pulisya ang insidente.

Kinabukasan nakita na lamang ang biktima na nakahandusay at wala ng buhay sa loob ng nasabing holding area.

Sa pagsusui ng SOCO Team mula sa QCPD Forensic Unit, namatay ang biktima sanhi ng grabeng sugat na tinamo sa ulo.

Inihahanda na ang mga kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa dalawang tanod habang homicide naman ang isasampa sa foreman at construction worker.