Isko

Yorme Isko di matitinag sa pananakot, pamumulitika; mga proyekto tatapusin

Edd Reyes Jan 3, 2026
228 Views

HINDI matitinag ang paninindigan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na ipagpatuloy ng kanyang administrasyon ang mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaang lungsod.

Sinabi ng alkalde na hindi magiging hadlang ang pamumulitika o pananakot sa mga programang direktang pakikinabangan ng mga Manileño, lalo na sa edukasyon at pabahay, na noon pa man una niyang panunungkulan ay binigyan na niya ng prayoridad..

Tiniyak ni Mayor Isko Moreno na matatapos na ang renovation ng Magsaysay High School at kanya na ring pinaplantsa ang pagsisimula ng konstruksiyon ng Binondominium 2 para mabigyang prayoridad ang mga natitirang informal settlers na naninirahan sa center island ng kalye Delpan at maging sa ilalim ng Delpan Bridge.

Sa ngayon aniya ay patuloy pa rin ang pamamahagi ng natitirang mga room unit sa mga natapos na niyang vertical housing projects tulad ng San Sebastian, San Lazaro, at Pedro Gil Residences.

Plantsado na rin ang pagtatayo ng pamahalaang lungsod ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila College of Medicine sa lumang Ospital ng Maynila upang higit pang mapalakas ang serbisyong pang-edukasyon at pangkalusugan.

“Harangan man tayo ng kanyon, we will build and finish Magsaysay High School. We will build Binondominium 2. We will distribute, through lottery, the remaining San Sebastian Residences, San Lazaro Residences, and Pedro Gil Residences. We will build Pamantasan Lungsod ng Maynila College of Medicine. I will do my best. I will use all the energy, strength, and whatever resources na mapipiga ko sa bimpo,” pagtiyak ni Yorme Isko.