Saksak

Obrero tigok sa magkapatid na katrabaho

30 Views

PATAY ang 25-anyos na construction worker sa Quezon City noong Lunes nang saksakin ng magkapatid niyang katrabaho at nakatakas ang isa matapos siyang patayin.

Kinilala ang biktima na si Benjie Villar Mirabite, 25, at arestado naman ang isa sa suspek na si Jaime Capoquian Lebrino, 47, kapwa stay in sa 26 Saret St., Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Nakilala ang nakatakas na utol ni Benjie na si Viner, 40, na nakatakas matapos ang insidente.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-6:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa 26 Saret St., Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Nag-iinuman sa ikalawang palapag ng kanilang barracks ang magkapatid na suspek kasama ang testigo na si alyas Gerry.

Ayon sa testigo, nang malasing ang magkapatid bumaba ang mga ito at nagtungo sa kanilang kuwartel kung saan nandoon ang biktima.

Ilang minuto lama narinig umano ng testigo na sumisigaw ang biktima ng “Tulong, tulong, pinagsasaksak ako!”

Dahil dito agad na bumaba si Gerry at doon nakita niyang pinagtutulungan ng magkapatid na saksakin ang biktima.

Matapos masaksak, bumalik ang magkapatid sa itaas at nagpalit ng damit, kinuha ang kanilang bag at saka tumakas.

Isinugod ang biktima sa Rosario Maclang Bautista General Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival ng attending physician na si Dr. Lara Ruzol si Mirabite.

Agad na inireport ang insidente sa pulisya at naaresto ang isa sa mga suspek.