Martin1

OFW Hospital aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara

Mar Rodriguez May 29, 2023
264 Views

IKINAGALAK ng One Filipinos Worldwide (OFW) Party List Group ang pagkaka-pasa sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8324 o ang Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital Act na nagtatatag ng isang ospital na ekslosibo para sa mga Pilipinong manggagawa na nagta-trabaho sa ibayong dagat.

Inaprubahan sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang House Bill No. 8324 na naglalayong magtatag ng OFW Hospital o isang Level 3 Hospital na itatayo sa probinsiya ng Pampanga na pangangasiwaan naman ng Department of Migrant Workers (DMW).

Dahil dito, labis na ikinagalak ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang pagkakaroon ng ospital para sa mga OFWs. Sapagkat nangangahulugan lamang umano ito na binibigyang halaga ng mga kapwa niya kongresista ang sakripisyo at pagsisikap ng mga Pilipinong manggagawa.

Sinabi ni Magsino na ang OFW Hospital ay magbibigay ng isang komprehensibong serbisyong pangkalusugan para sa mga OFWs kabilang na ang kanilang mga legal dependents o pamilya.

Ipinahayag naman ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na ang pagpapatibay ng Kamara de Representantes sa panukalang OFW Hospital ay nagpapatunay lamang na patuloy ang suporta ng Kongreso para proteksiyon at kapakanan ng mga OFWs.

“This bill is a proof of our continues support and commitment to the welfare and protection of our OFWs. The creation of this specialty hospital that will be open to the public but will primarily serve our OFWs and their dependents will ensure that they will get the quality, timely and efficient health care services,” sabi ni Speaker Romualdez.