Calendar
OFW Party List Group naninindigan na tungkulin ng Kongreso na busisiin ang prangkisa ng Cebu Pacific
NANININDIGAN ang OFW Party List Group na “prerogative” at tungkulin ng Kamara de Representantes na busisiin ang “legislative franchise” ng Cebu Pacific at iba pang mga kompanya. Ito’y matapos magbabala ang isang kongresista na ipapa-kansela nito ang prangkisa ng nasabing airline company.
Gayunman, sinabi ni OFW Party List Congresswoman Marrissa “Del Mar” P. Magsino na naiintindihan at nauunawaan aniya nito ang ibinigay na dahilan ng Cebu Pacific kaugnay sa napakalaking aberya na idinulot ng nangyaring flight cancellation at rebooking noong nakaraang linggo.
Dahil dito, ipinahayag ni Magsino na nauunawaan din niya ang pinaghuhugutan ng galit ni Cagayan de Oro City Congressman Rufus Rodriguez na naghain ng House Resolution No. 1101 para hilingin sa Kamara de Representantes ang kanselyasyon at suspensiyon ng legislative franchise ng Cebu Pacific.
Ipinaliwanag ni Magsino na ang patuloy na paglabag ng mga airline companies katulad ng Cebu Pacific sa itinatakda ng batas sa ilalim ng DOTC-DTI Joint Administrative No. 1 Series of 2012 o ang Air Passenger Bill of Rights ay maaaring magtulak sa gobyerno para sila’y imbestigahan at humantong sa kaselasyon ng kanilang legislative franchise.
“If the airline is reported to repeatedly violate this, then it is the duty of the State to investigate and if needed. Revoke the airline’s legislative franchise. And let us not forget that the grant of a legislative is a congressional act,” Ayon kay Magsino.
Nauna rito, sinabi ni Magsino na inilagay ng Cebu Pacific sa balag ng alanganin ang trabaho ng napakaraming Overseas Filipino Workers (OFWs) matapos ang nangyaring “flight cancellation” kung saan naantala ang biyahe ng mga Migrant workers pabalik sa bansang pinagta-trabahuhan nila.
Binigyang diin Magsino na dahil sa “flight cancellation” maraming OFWs ang nalagay sa balag ng alanganin pabalik sa mga bansang pinagta-trabahuhan nila matapos magbakasyon sa Pilipinas.
Ayon kay Magsino, hindi isina-alang alang ng Cebu Pacific ang kapakanan ng mga OFWs dahil hindi naman aniya sila bibiyahe palabas ng bansa para magbakasyon o magliwaliw lamang. Kundi para bumalik sa kanilang trabaho para tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.