Magsino

OFW Party List Group tinawag na OA at overkill pagkilos ng airport staff sa NAIA Terminal 3

Mar Rodriguez Apr 4, 2023
441 Views

TINAWAG na “overkill” ng Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Group sa Kamara de Representantes ang panibagong insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 dahil sa ipinakitang kapalpakan umano ng isang tauhan ng naturang pambansang paliparan.

Sinabi ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na mistulang Overacting (OA) at “overkill” ang naging pagkilos ng isang airport employee sa NAIA Terminal 3 dahil sa ginawa nitong pagsira sa laruang pasalubong ng OFW na si Rachel Anne Ramos na galing Hong-Kong.

Ang naging pahayag ni Magsino ay kaugnay sa lumabas na “viral video” kung saan sinisira ng nasabing “airport employee” ang laruang eroplano na pasalubong sana ni Ramos sa kaniyang anak. Kung saan, pinaghinalaan ng empleyado na naglalaman ito ng kontrabando tulad ng illegal na droga.

Ikinuwento ni Ramos na dalawang beses umanong pinadaan sa X-Ray machine ang kaniyang bagahe at pina-amoy sa K9 Unit sa pag-aakalang mayroon siyang itinatagong kontrabando o ipinagbabawal na gamot sa kaniyang bagahe na sinasabing naka-kubli sa laruang eroplano.

Napag-alaman na para hindi na maabala si Ramos na pasakay sana ng “connecting flight” papuntang Laoag. Pumayag na lamang siya na wasakin ng tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang laruang eroplano na lumabas na naman na negatibo o walang illegal na kontrabando sa loob nito.

Dahil dito, binigyang diin ni Magsino na kailangang bayaran ng mga tauhan ng NAIA Terminal 3 at BOC ang sinira nilang gamit ni Ramos. Sapagkat pinaghirapan nito ang perang ipinambili ng laruang pasalubong para sa kaniyang anak para lamang makapag-bigay ng kaunting kaligayahan.

Ikinatuwiran pa ni Magsino na napaka-importante din na magkaroon ng tamang procedure ang mga paliparan upang hindi na muling maulit ang ganitong insidente na maituturing na isang uri ng kapalpakan.

“They should pay for the damages because this is a hard earned money and happiness of the child to receive the gift was now in vain. Kailangan silang mag-effort na bayaran si Ramos for the disturbance too. Hindi nila pinupulot ang pera sa abroad kaya masakit para sa kanila na ganoon ang gawin nila,” sabi ni Magsino.