Magsino

OFW Party List ‘hilong-talilong’

Mar Rodriguez Apr 22, 2024
227 Views

MISTULANG “hilong-talilong” ang OFW Party List Group sa Kongreso dahil kasalukuyan silang nahihirapan mamili sa pagitan ng giyera o nagbabantang pagkawala ng trabaho para sa libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa gitna ng napipintong kaguluhan sa Middle East.

Ayon kay OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino, sa naging briefing ng House Committee on Overseas Workers Affairs para sa mga gagawing paghahanda ng mga ahensiya kaugnay sa namumuong kaguluhan sa Middle East. Inaalala nito ang magiging kalagayan ng mga OFWs.

Sinabi ni Magsino na maraming Overseas Filipinos (OFs) at OFWs ang tiyak na maapektuhan ng uminiit na sitwasyon sa Gitnang Silangan. Kailangan aniya nilang mamili sa pagitan ng pagkaka-ipit nila sa giyera o kagutuman dahil mawawalan sila ng trabaho bunsod ng repatriation.

Ipinaliwanag ni Magsino na batay sa bilang na ibinigay ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa isinagawang briefing ng Komite. Tinatayang mahigit 90,000 OFWs sa iba’t-ibang lugar sa Middle East ang naiipit sa kaguluhan tulad ng Israel, Iran, Lebanon, Jordan, Egypt at Syria.

Binigyang diin ng OFW Party List Lady solon na mistulang naiipit sa nag-uumpugang bato ang mga OFW matapos sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng Israel at Iran sapagkat sila ang naiipit sa nasabing giyera. Kung saan, kung mananatili sila duon ay buhay nila ang nakataya at kung babalik naman sila sa Pilipinas ay maaaring magutom ang kanilang mga pamilya.

“Sa pagsiklab ng kaguluhan sa pagitan ng Israel at Iran at pagkakadamay ng ibang bansa sa rehiyon. Naiipit sa dalawang nag-uumpugang bato ang ating mga OFWs, kung mananatili sila sa host countries. Buhay nila ang nakataya, kung uuwi naman sila. Mawawalan naman sila ng kabuhayan,” sabi ni Magsino.

Ayon pa kay Magsino, sa kabila ng mataas nab anta ng kaguluhan. Wala pang OFWs ang humihiling ng boluntaryong repatriation pauwi ng Pilipinas bukod sa 50 OFWs na pauwi ng Pilipinas sa darating na buwan ng Mayo. Subalit hindi naman sinabi sa briefing kung saan bansa manggagaling ang mga OFWs.