Magsino

OFW Party List: Mag-ingat sa pag-apply ng trabaho via online recruitment

Mar Rodriguez Aug 22, 2023
262 Views

Magsino1Magsino2Magsino3Magsino4MULING nagbabala si OFW Party List Congresswoman Marissa “Dela Mar” P. Magsino sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa abroad sa pamamagitan ng online applications na ang mga job recruitment na matatagpuan sa social media o Facebook ay maaaring scam o modus operandi.

Ipinaalala ni Magsino sa mga Pilipinong nagnanais mag-trabaho sa abroad o maging Overseas Filipino Worker (OFW) na kailangan nilang mag-ingat sa kanilang ina-aplayan gamit ang social media o Facebook.

Ipinaliwanag ni Magsino na laganap parin sa kasalukuyan ang illegal recruitment sa pamamagitan ng online o Facebook. Sapagkat maituturing na hindi lehitimo, hindi dokumentado at hindi rin rehistrado ang mga recruitment agencies na matatagpuan sa social media na tinaguriang mga “fly by night”.

Kaya naman, pinaalalahanan ni Magsino ang mga Pilipinong aplikante na mag-apply lamang sila sa mga recruitment agencies na accredited ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Binigyang diin ng kongresista na ang kaniyang babala sa mga Pilipinong aplikante ay upang hindi sila mabiktima ng illegal recruitment dahil ang karamihan aniya sa mga undocumented OFWs na nag-trabaho sa abroad ay nag-apply ng trabaho sa pamamagitan ng social media.

Samantala, inihayag ni Magsino na namahagi sila ng bigas at iba pang essential goods para sa 1,000 benepisyaryo mula sa Tanauan, Batangas bilang bahagi ng programa ng OFW Party List Group sa pagkakaloob ng tulong para sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.

“Bilang isang proud Batanguena mula sa Tanauan City. Malapit sa puso natin ang ating mga kababayan dito sa Batangas lalo na para sa mga pamilyang OFWs. Tuloy-tuloy ang pamamahagi natin ng tulong at malasakit para sa ating mga kababayan lalo na ang mga mahihirap na Pilipino,” ayon kay Magsino.