Carlos Yulo Paris Olympics double gold medalist Yulo (kaliwa) at Gymnastics Association of the Philippines president Cynthia Carrion .

Online gaming susi sa tagumpay ng mga atleta

462 Views

HABANG umiigting ang mga diskusyon tungkol sa kinabukasan ng online gaming sa Pilipinas, isang mahalagang katotohanan ang madalas na isinasantabi: malaki ang naiaambag ng industriya sa pagpopondo ng mga atletang Pilipino patungo sa pinakamalalaking paligsahan sa buong mundo.

Ang mga kumpanyang tulad ng DigiPlus Interactive Corp., sa pamamagitan ng sports entertainment brand nitong ArenaPlus, ay tahimik at tuloy-tuloy sumusuporta sa mga pangarap ng mga atletang Pilipinong nangangarap makarating sa Olympics, na nagiging daan naman sa pag-uwi ng tagumpay sa bansa.

Binibigyang-diin ni Cynthia Carrion, Pangulo ng Gymnastics Association of the Philippines at tagapamahala ni Carlos Yulo, ang kahalagahan ng suporta ng mga pribadong kumpanya sa pagpapatuloy ng mga atleta.

“Nakikita ng tao ang mga medalya, pero hindi ang mahabang paglalakbay para makarating doon,” ani Carrion.

“Kung wala ang mga sponsor—kabilang na ang mula sa online gaming sector—wala tayong sapat na pondo para sa pagsasanay, biyahe, o kompetisyon. Itong suporta ay nakatutulong sa pagtaas ng bandila ng Pilipinas sa mga pandaigdigang entablado.”

Kumakaharap ngayon ng mga panawagan sa mas mahigpit na regulasyon o tuluyang pagbabawal, itong industriya ng gaming ay walang humpay na sumusuporta sa maraming mga pambansang kompanya sa larangan ng isports.

Nakinabang ang mga atleta tulad nina Eumir Marcial (boxing), Carlos Yulo (gymnastics), at Scottie Thompson (basketball) mga sponsorship na bahagi ay galing sa kita ng industriya ng gaming—kabilang ang coaching, nutrisyon, pagsasanay sa ibang bansa, at exposure sa mga pandaigdigang labanan.

Matapos ang kanyang makasaysayang double gold sa Olympics, inihayag ni Carlos Yulo ang kanyang pasasalamat sa isang press conference noong Agosto 2024.

Binanggit niya ang mga pribadong partner na tumindig sa likod niya. “Lubos akong nagpapasalamat sa DigiPlus at ArenaPlus sa pakikiisa sa tagumpay kong ito at sa pagkilala sa aking pagsisikap.

Walang tagumpay na madaling makuha; ito ay nagiging posible sa tulong ng mga taong naniniwala sa iyo,” ani Yulo.

Hindi na bago kay Carrion ang mga pangangailangan sa larangan ng high-performance sports.

Bilang dating Undersecretary for Sports and Wellness ng Department of Tourism at kasalukuyang Chair ng Philippine Retirement Authority, matagal na siyang aktibong tagapagtaguyod ng sports development sa bansa.

Kasalukuyan din siyang kasapi ng Executive Committee ng Asian Gymnastics Union, miyembro ng Fédération Internationale de Gymnastique (FIG), at dating Treasurer ng Philippine Olympic Committee.

Sa kanyang pamumuno, nakuha ng Pilipinas ang kauna-unahang Olympic medals sa gymnastics at natamo ang pinakamaraming bilang ng medalya sa 31st SEA Games.

Binigyang-diin ni Carrion na pinupunan ng suporta mula sa pribadong sektor ang mga kakulangan sa pondo ng gobyerno. “Bilyon-bilyon ang kontribusyon ng industriyang ito sa corporate social responsibility. Bahagi nito ay napupunta sa isports, kung saan madalas hindi sapat ang badyet ng gobyerno,” dagdag pa niya.

Hindi lamang para sa pinakamagagaling na atleta, nakakatulong din ang kita mula sa gaming sa pagpapalakas ng mga pambansang labanan, mga liga sa iba’t ibang lugar, at iba pang programang pang-isports na layuning tuklasin at sanayin ang mga susunod na kampeon.

Para sa maraming organisasyong pang-isports, ang mga kontribusyong ito ang nagtatakda kung matutuloy ang isang lokal na kumpetisyon o kakanselahin ito.

Habang naghahanda ang koponan ng Pilipinas para sa mga darating na pandaigdigang kumpetisyon, nananawagan ang mga tagasuporta at sports managers para sa isang mas balanseng diskurso.

“Ayusin natin ang regulasyon kung kinakailangan, pero kilalanin din natin ang mabuting naiaambag ng mga legal at sumusunod na operator sa ating lipunan,” ani Carrion