Calendar
Operation Romanov banta sa Unang Pamilya–panel spokesperson
PARA kay House prosecution panel spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang “Operation Romanov” ay pagpapahiwatig kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na maaari din nitong sapitin ang sinasabing “Romanov tragedy” at pati ang sinapit ng dating pinuno ng Italia na si Mussolini kung hindi babaguhin ang direksyon na kanyang tinatahak.
Ipinaliwanag ni Barbers na ang mga pahayag na tumutukoy sa sinapit ng “pamilyang Romanov” sa Russia ay maituturing na babala ng karahasan laban kay Pangulong Marcos Jr. at sa kanyang pamilya.
Ipinahayag ni Barbers ang pagsang-ayon sa naging interpretasyon ng dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago matapos siyang tanungin kung nararapat bang tumestigo ito kaugnay ng tinatawag na “Operation Romanov” allegations.
Ang naturang pahayag ay tumutukoy sa mga naging komento ni Davao City Mayor Sebastian Duterte, kung saan binanggit niya ang sinapit ng “pamilyang Romanov” na pinaslang noong Rebolusyong Bolshevik at si Benito Mussolini na pinatay ng mga Italian partisan sa pagtatapos ng 2nd World War.
“Kaya sa palagay ko, sang-ayon ako sa lohika na inilahad ni Director Santiago na ito ay maituturing na banta laban sa Unang Pamilya,” sabi ni Barbers.
Saklaw ng Article IV ng Articles of Impeachment ang mga naitalang pahayag ni Vice President Sara Z. Duterte laban kina Pangulong Marcos, Jr. First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Nakapaloob dito ang mga reklamong culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust at iba pang high crimes.
Binanggit din ni Barbers ang testimonya ni Atty. Jeremy Lotoc na nagsabing may sapat na batayan ang NBI upang magsampa ng mga kasong kriminal laban sa Bise Presidente.
“Dito naman sa pahayag o statement na ginawa ni Atty. Jeremy Lotoc, sinabi niya sa kanyang testimonya na mayroon silang nakitang basehan para makapagsampa, batay sa kanilang imbestigasyon, ng tatlong bilang ng grave threats at isang kasong inciting to sedition laban sa respondent,” ani Barbers.

