Ridon

Ridon: Asahan ang “pasabog” mula kay NBI Chief Matibag hinggil sa nagpapatuloy na mga banta

100 Views

Matibag

INAASAHANG maglalahad si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mas malawak na imbestigasyon ng ahensya at kung may natuklasan itong nagpapatuloy na mga banta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pamilya.

Tumanggi si House prosecutor Terry Ridon na isiwalat ang inaasahang impormasyon bago humarap si Matibag bilang saksi, at sinabing mawawala ang saysay ng inaasahang rebelasyon kung ihahayag ito nang maaga.

“Kung sinabi ko iyon ngayon, hindi na pasabog iyon. So antayin po ho natin iyong testimonya po ni Director Matibag,” diin ni Ridon.

Si Matibag ang magiging huling saksi ng prosekusyon sa ilalim ng Article IV, na tumatalakay sa mga naitalang pahayag ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte tungkol kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Ridon, tatalakayin ni Matibag hindi lamang ang mga teknikal na natuklasan na nauna nang inilahad ng Cybercrime Division, kundi pati na rin ang isinagawang trabaho ng iba pang yunit ng imbestigasyon ng NBI.

“Pero siyempre ang focus talaga namin is to let him speak his truth, particularly on iyong kabuuan na komprehensibong investigation na ginawa po ng NBI,” paliwanag ni Ridon.

Ang unang dalawang saksi ng NBI ay tumalakay sa pagpapatunay ng electronic evidence, chain of custody nito, nilalaman ng mga recording, at mga natuklasan ng Cybercrime Division.

“Kasi ang narinig lang naman po natin is Cybercrime Division, sina Agent Calilung tsaka si Atty. Lotoc,” aniya.

Tinukoy niya sina Atty. Jeremy Lotoc, regional director ng NBI, at John Mark Calilung, senior NBI agent.

“Iyong kaya pong iambag kasi ni Director Matibag dito ay iyong ibang opisina, kung ano ho iyong ginawa nila na nadagdag na mga imbestigasyon sa pagbabanta ng Pangalawang Pangulo,” paliwanag ni Ridon.

Sinabi niya na layunin ng testimonya ni Matibag na mabuo ang kabuuang salaysay ng NBI bilang isang institusyon, at hindi lamang ulitin ang mga ebidensiyang nauna nang iniharap ng mga technical personnel nito.

“So iyong kay Director Matibag ay basically pagbubuo na lang po ng NBI investigation as an entire agency,” dagdag ni Ridon.