Yosi

Oplan Galugad batay sa JBM Patrol System sa NE nasamsam smuggled na yosi, 3 shotgun

Steve A. Gosuico Sep 14, 2026
210 Views

CAMP GEN. MARIANO N. LLANERA, Cabanatuan City – Patuloy na pinaigting ng Nueva Ecija police ang pagpapatupad ng Oplan Galugad batay sa JBM Patrol System at nagresulta ito sa pagkasuko ng mga baril at pagkumpiska ng smuggled na sigarilyo sa hiwalay na operasyon nitong Linggo, ayon kay Col. Ritchie R. Claravall.

Ayon sa NEPPO head, ang tatlong de sabog o 12-gauge shotgun pati mga bala nito ay isinuko ng mga indibidwal sa hiwalay na operasyon at pakikipagtulungan ng mga opisyal ng barangay bilang bahagi ng JPM Patrol System sa Talugtug at General Natividad.

Samantala, kabuuang 17 reams ng smuggled cigarettes na walang selyo ng BIR na katumbas ng P15,300 ang nasamsam ng tropa sa San Isidro, General Natividad at Pantabangan.

Ang mga isinukong baril, bala, at mga produktong sigarilyo ay nasa kustodiya na ngayon ng pulisya para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.

Pinuri ni Claravall ang kanyang mga tauhan dahil sa kanilang patuloy na pagbabantay at koordinasyon sa mga opisyal ng barangay sa pagtugon sa mga loose firearms at ilegal na produktong tabako.