Arizapa Si Jon Arizapa, ang mayor-in-waiting ng Orani, Bataan habang pinapaandar ang tricycle na ikinagulat ng marami. Kuha ni Christian Supnad

Orani mayor proud ex-waiter, trike driver, janitor

Christian Supnad Apr 1, 2025
18 Views

ORANI, Bataan–Dating janitor, waiter, trike driver at mekaniko ang susunod na mayor ng bayang ito matapos walang kumasang lumaban sa halalan.

Ito ang kauna-unahang paglahok niya sa pulitika ngunit si Jon Arizapa tiyak ng magme-mayor.

Nag-iikot pa rin ang kandidato at ikinakampanya ang kanyang mga ka-tiket sa partido upang masiguro ang kanilang panalo.

Bitbit ang motto na “Maiba naman,” katiket ni Arizapa sina re-electionist governor Joet Garcia, vice governor Cris Garcia, congressional candidate ng unang distrito na si Atty. Tony Roman, reelectionist vice mayor Em Roman at iba pa sa 1bataan.

Hindi ikinahihiya ni Arizapa na naging janitor, waiter, trike driver, construction worker, mechanic at waiter siya noong panahong walang-wala siya.

“Nag-apply pa nga akong bus conductor, pero ‘di ako tinanggap ng Panther Bus,” ani Arizapa.

Ngunit isa na siyang “somebody” at matagumpay nang negosyante dahil sa tiyaga, sipag at pagsusumikap sa trabaho nitong mga nagdaang taon.

Ang paglahok sa mundo ng politika ni Arizapa bunga ng mga mungkahi ng mga taga-Orani.

Dahil dito, nabuo sa isipan ni Arizapa na kailangan magkaroon ng pagbabago sa Orani.