Calendar
Ospital ng Tondo hinahanapan ni Yorme Isko ng malilipatan
HINAHANAPAN na ng lugar na malilipatan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang Ospital ng Tondo upang mas marami pang mga Manilenyo ang mapagsilbihan at mapangalagaan ang kalusugan.
Sa kanyang talumpati sa pagtatapos ng regular na pagpupugay sa watawat Lunes ng umaga sa Kartilya ng Katipunan kung saan naging punong-abala ang Ospital ng Tondo, sinabi ng alkalde na hinahanapan na niya ng lupa na matatayuan ng mas malaking ospital na magsisilbing bagong bahay ang mga doktor, nurses, at health workers ng naturang pagamutan na pinangangasiwaan ni Dr. Edwin C. Perez bilang Director Officer-in-Charge.
Aminado ang alkalde na kailangan din niyang maghanap ng pondo sa pagpapatayo ng mas malaking ospital bagama’t umaasa siya na maisasakatuparan din niya ito para sa mamamayan ng Tondo.
Sa kasalukuyan, hindi pa makumpleto ng alkalde ang malalaking kagamitang pang-medisina na tulad ng inilagay niya sa ibang mga pampublikong pagamutan na pinangangasiwaan ng lokal na pamahalaan dahil maliit lamang ang Ospital ng Tondo na nasa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue.
Ang tanging pakiusap ng alkalde sa mga medical health workers ay unawain aniya ng mga ito ang pagiging aburido ng mga pasyente na nagtutungo sa mga pampublikong pagamutan.
“Alam nyo, ang taong may sakit, walang matatanggap na katuwiran. Pag me karamdaman ang tao, talagang siyempre, minsan hindi niya maunawaan yung mga procedure, kaya the least thing that we can give to them, on top of the delivery of service, is to smile with our patient,” pakiusap ng alkalde.
“Ngitian nyo na, tingin ko kahit ano nararamdaman nila, huhupa at huhupa yung kanilang pagaalala, always smile, iparamdam sa kanila ang ating pagmamalasakit,” dagdag pa ni Mayor Isko.

