Calendar
Jose Abad Santos High School nakatanggap ng bomb threat


Mga kuha ni JON-JON REYES
NABULABOG ang Jose Abad Santos High School (JASHS) na matatagpuan sa Numancia Street, Binondo, Manila, matapos i-report ng isang 21-anyos na estudyante nito ang bomb threat na ipinadala ng isang “Louise Florence” sa Facebook umaga ng Lunes.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nasa paaralan ang estudyante nang mapansin niya ang mensahe sa kanilang group chat mula sa isang JASHS alumni ukol sa banta ng bomba na kanyang nabasa bandang alas-10:55 ng umaga ng Lunes.
Ayon sa mensahe, “MAY BOMB THREAT sa Abad Santos coordinate nyo sa principal Kong Hindi pa naiinform Ang school para makaalis lahat Ng mga Bata sa school.”
Dito na itinawag sa mga pulis ang bomb threat at inabisuhan ang mga estudyante para makaalis ng eskuwela.
Isa pang alumni ang nagpadala ng screenshot ng mensahe mula sa Facebook account ng isang “Louise Florence” na nagpapakita ng larawan ng pinaghihinalaang bomba.
“I planted a bomb inside the Jose Abad Santos building, I’m not joking. There are 5 bombs now, one hidden inside of 5 different buildings,” ayon sa mensahe.
Nang mabasa ito ay kaagad na ipinagbigay-alam sa isang Grade 7 teacher, na agad namang ipinaalam sa mga tauhan ng San Nicolas Police Community Precinct (PCP) at nakarating kay PCpt. Florante Raquiño.
Si Raquiño, kasama ang mga tauhan ng San Nicolas PCP sa pangunguna ni PLt. Samuel Caalla, mga tauhan ng Intelligence Section at si PLt. Col. Innocencio Richard Villanueva, Police Station 11 commander, ay agad rumesponde at sinecure ang paligid ng paaralan.
Gayundin, ang District Explosives and Canine Unit ng Manila Police District, sa pangunguna ni PCpt. Christopher R. Millan, ay nagsagawa ng bomb sweep sa tulong ng K-9 units at paneling sa loob ng paligid ng paaralan, at walang bombang natagpuan.
Nagsasagawa na ng karagdagang imbestigasyon ang mga tauhan ng police station para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa suspek.

