Calendar
OWWA Region 3 Regional Director nababahala para sa kalagayan ng mga OFWs, pagsasara ng Kuwait ng kanilang boarder
NABABAHALA ang isang mataas na opisyal ng Overseas Filipino Workers Welfare Administration (OWWA) Region 3 sa Pampanga para sa mga Overseas Filipino Workers na sakop ng kanilang ahensiya dahil sa biglang pagsasara ng bansang Kuwait ng boarder nila para sa mga OFWs.
Sa panayam ng People’s Taliba kay OWWA Region 3 Director General Atty. Falconi V. Millar, sinabi nito na biglaan umano ang naging desisyon ng Kuwait government na isara ang kanilang boarder para sa mga OFW’s. Kung saan, inaasahan na maraming Pilipinong manggagawa ang lubhang maaapektuhan nito.
Ayon sa kaniya, ikinagulat ng maraming OFWs, mula sa Pampanga, Zambales, Bataan, Bulacan, Tarlac, Pangasinan, Nueva Ecija at karatig lalawigan, ang naging desisyon ng pamahalaan ng Kuwait. Sapagkat nagbabakasyon lamang sila sa Pilipinas at maaaring hindi na makabalik sa nasabing bansa.
Ipinaliwanag ni Director Millar na karamihan sa mga OFW’s mula sa mga nabanggit na lalawigan ang naririto ngayon sa bansa para magbakasyon at anomang oras ay maaari na silang bumalik sa kani-kanilang trabaho o pinapasukan (Kuwait). Subalit bunsod ng mga pinaka-huling kaganapan ay malaki ang posibilidad na maapektuhan nito ang kanilang trabaho sa naturang bansa.
Dahil dito, sinabi pa ni Millar na ikinababahala ng OWWA Region 3 ang magiging kalagayan ng mga OFW’s habang hinihintay ang kanilang magiging kapalaran. Sapagkat ang trabaho nila sa Kuwait ang kanilang “bread and butter” para tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
“Ang pagsasara ng boarder sa Kuwait ay ginawa ng bansang ito ng walang abiso sa ating gobyerno. Kaya ikinagulat ng maraming OFWs dito sa Region 3 ang naging desisyon ng Kuwait dahil ang ilan sa kanila ay nagbabakasyon lang dito sa Pilipinas at anytime ay babalik na ulit sila sa Kuwait,” paliwanag ni Millar.
Nagpahayag din ng labis na pagkabahala ang OWWA Region 3 official dahil ang mga OFW’s na sakop ng kanilang ahensiya ay mayroong valid working visa subalit bunsod ng naging pagkilos ng gobyerno ng Kuwait. Maaaring mapabilang na sila sa mga Pilipinong unemployed o walang trabaho dito sa bansa.
Gayunman, pinapurihan naman ni Millar ang naging hakbang o approach ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na pag-usapan at talakayin ang issue sa pamamaraang diplomatiko sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga opisyal ng pamahalaan sa Kuwait.