Shabu

P1.7M shabu nadaklot sa 4 na suspek na tulak

196 Views

CAMP BGEN VICENTE LIM — Naaresto ng mga pulis noong Lunes ang apat na pinaghihinalaang tulak ng ipinagbabawal na droga at 31 street-level na suspek kung saan nasamsam din ang humigit-kumulang P1.7 milyong halaga ng iligal na droga.

Nakumpiska ang tinatayang 199.57 gramo ng shabu at 5,000 gramo ng marijuana na may tinatayang halaga na P1,732,090.80.

Naaresto ang mga suspek sa magkakahiwalay na operasyon sa Cavite, Batangas, at Rizal, habang ang mga street-level na suspek nadakip din sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon.

Ayon kay P/BGen. Jack Wanky, director ng Police Regional Office (PRO)-4A, hindi titigil ang mga pulis sa pagtugis sa mga nagbebenta at gumagamit ng ilegal na droga.

“Ang mga operasyong ito ay patunay na buo ang loob ng PRO-4A na tapusin ang salot na sumisira sa kinabukasan ng ating kababayan,” sabi ng hepe ng PRO-4A.

Ang mga naarestong suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at kasalukuyang nasa kustodiya ng mga operating units para sa kaukulang disposisyon.